Nagbigay ng kaniyang saloobin ang award-winning author ng mga de-kalibreng kuwentong pambata at propesor na si Genaro Gojo Cruz tungkol sa trending topic episode ng game show na "Family Feud" sa GMA Network, kung saan pinag-usapan ng mga netizen ang umano'y pag-censor sa sagot ni "Buunja" sa jackpot round nito.

Sa naturang jackpot round, natanong kay Buunja kung anong body part ang nagsisimula sa letrang T.

Walang patumanggang "titi" ang isinagot ni Buunja, dulot marahil ng tumatakbong oras. Hindi naman nagpatinag si Dingdong at tuloy-tuloy lamang sa pagtatanong sa kalahok.

Marami naman ang pumuri sa propesyunalismo ni Dingdong, dahil sa halip daw na matawa at madistract ang kalahok, ay nagtuloy-tuloy lamang ito.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Eksklusibong nakipag-ugnayan ang Balita Online kay Gojo Cruz dahil dalawa sa kaniyang mga kuwentong pambata ay tahasan nang gumamit ng maseselang bahagi ng katawan ng lalaki at babae sa pamagat nito---ito ay ang "Ako ay May Titi".

May counterpart naman ito para sa mga babae na pinamagatang "Ako ay May Kiki" na isinulat naman ni Glenda Oris.

Nagpaunlak naman sa pagbibigay ng reaksiyon at saloobin si Gojo Cruz, kahit na sa tingin niya, hindi na siya dapat mag-react tungkol dito sapagkat hindi naman niya pinanonood ang naturang game show, o hindi napanood mismo ang pinag-usapang episode.

Mga larawan mula sa FB ni Genaro Gojo Cruz at Glenda Oris

Aniya, "Ginawa ko na ang magagawa ko e sa larangan ko, panitikang-pambata.

"Simulan ko na sa kuwentong pambata sa pamamagitan ng sumisigaw na title, walang kahihiyang ginamit ko ang 'Ako ay May Titi' kasi walang bastos sa mismong salita, ang salita ay salita. Walang bastos sa bahagi ng katawan.

Binuksan ko na kahit papaano ang salitang 'titi' sa kuwentong pambata. Nagagamit na ngayon ang 'Ako ay May Titi' sa mga paaralan, sa Kinder, Grades 1-3 lalo na sa pagtuturo ng bahagi ng katawan at pag-aalaga sa bawat bahagi nito.

"Simulan natin sa bata, may pag-asa akong nakikita sa mga bata. Pero sa matatanda sa MTRCB, medyo wala na talaga! Hopeless na tayo sa paraan nila ng pag-iisip sa loob ng ahensiya."

"Sorry po talaga!" aniya pa.

Kalaunan ay ipinost niya sa kaniyang Facebook ang kaniyang mga tinuran.

Nagbigay rin ng kaniyang reaksiyon at saloobin ang Palanca awardee at ABS-CBN writer na si Jerry Grácio tungkol dito, at ang may kasalanan daw nito ay ang Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.

"Ba't kailangan i-censor ng Family Feud ang titi? E titi naman talaga ang titi. Or tite. Or utin, butò, votò, lusò, gulut in other Philippine languages. Is it ok to say penis & not titi? Ano problema n'yo sa titi, mas gusto n'yo ba ang burat or tarugo?"

Ayon pa sa isa niyang Facebook post, "Hindi Family Feud ang may kasalanan sa censorship ng words like titi or súso. Kasalanan ng MTRCB with their backward prudishness & misplaced values. Dapat talaga, i-abolish na ang agency na 'yan."

Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/20/kasalanan-ng-mtrcb-jerry-gracio-pinuna-ang-pag-censor-ng-family-feud-sa-sagot-ni-buunja/">https://balita.net.ph/2022/10/20/kasalanan-ng-mtrcb-jerry-gracio-pinuna-ang-pag-censor-ng-family-feud-sa-sagot-ni-buunja/

Dahil dito, nag-trending din ang MTRCB sa Twitter.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng Family Feud, GMA Network, o MTRCB hinggil sa isyung ito.