Nasa 74.2 milyong Pinoy ang nakarehistro na sa National ID system, ayon sa pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes.

Binanggit ni PSA Civil Registration System-Information Technology Project director Fred Sollesta, aabot na sa 22 milyong ID card ang naimprenta na ng ahensya.

Gayunman, umabot pa lang sa 17.6 milyong ID card ang naideliber ng Philippine Postal Corporation (PhilPost).

Aniya, inaasahang makapag-imprenta pa ng mas maraming electronic at physical copies ng Philippine National ID bago matapos ang 2022 sa pakikipagtulungan na rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

“Nagcommit 'yung PSA na by end of 2022, maka-issue kami ng 50 million credentials. Kasi combination ‘to siya ng physical card, 'yung napo-produce sa BSP and then 'yung e-PhilID, 'yung digital version but in printed copy na mag-complement doon sa physical card--around 20 million of that,” sabi ni Sollesta.

“And by the end of the year 'yung card na napo-produce sa BSP ay around 30 million, so 50 million 'yung i-produce namin o i-deliver sa end of 2022, and then mga around 90 million end of June 2023,” pahayag ng opisyal.

Aminado rin si Sollesta na naaantala ang pag-iimprenta ng mga National ID card.

“Yung kadahilanan nito ay nung nagstart tayo ng National ID, dapat 5-year project ito. Nung time ng administration ni President Duterte, na gusto niya, na by the end ng kanyang term makapagparehistro kami ng PSA ng 70 million. So in a span of one and half years, nagawa 'yan ng PSA, pero 'yung sa side ng processing, ng card production, naka-design siya talaga na 5 years," dagdag pa ng opisyal.