Hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang hirap na kahaharapin ng mga estudyante pagtungtong ng kolehiyo ngunit paano kung papasukin mo ito sa edad na dapat ay nagpapahinga ka na lamang o kaya'y nag-aalaga ng iyong mga mahal sa buhay?

Tunay ngang ‘age is just a number.’ Iyan ang pagsubok na nilampasan ng 63-taong gulang na si Zonia Mayola, o mas kilala sa tawag na “Mommy Zonia,” mula sa Matina, Davao City, nang magbalik-eskwela sa edad na 58.

Taong 1979 nang unang pumasok siya ng kolehiyo, ngunit hindi na niya ito naipagpatuloy dahil siya ay nabuntis at iginugol na lamang ang oras at panahon sa pag-aalaga ng kaniyang mga anak.

Hindi man naging madali ang magpalaki, maganda naman ang naging bunga ng kanyang pagsasakripisyo para sa kanilang siyam na anak dahil successful na ang mga ito sa kani-kanilang landas na tinahak.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kaya naman nang masiguro niyang maganda na ang kalagayan ng mga anak, hindi na nag-atubili si Mommy Zonia na muling abutin ang pangarap na minsan nang nahinto.

“After high school, kumuha ako ng [kursong] medical social work sa Cebu Doctors’ [University]. Pero after 38 years, I decided na ipagpatuloy ‘yung kurso ko sa UM (University of Mindanao). Kaya natapos ko na lahat — na pinalaki ko na ang siyam na anak [ko]. Then, nakapag-serve na ako sa community. Sabi ko, ‘May time pa ako magbalik eskwela,'” ani Mommy Zonia sa eksklusibong panayam ng Balita Online.

Inasahan na rin niya na hindi magiging madali para sa edad niya na bumalik sa pag-aaral lalo na noong bago pa man magkaroon ng pandemya.

Aniya, pisikal na pagod ang kanyang nararamdaman sa pagpasok sa kanilang unibersidad dahil kinakailangan niyang mag-commute para makarating sa UM. Dahil dito, kinakailangan niya ring tumawid ng mga overpass at maglakad mula Matina entrance patungo sa building ng College of Arts and Sciences na nasa likod pa banda ang pwesto.

Gumugugol siya ng humigit-kumulang isang oras para bumiyahe mula sa kanilang bahay patungong University of Mindanao.

Masasabi rin ni Mommy Zonia na ‘challenging’ ang pagko-kolehiyo kumpara sa pag-aaral sa high school dahil ‘participative method’ ang ginagawang pagtuturo sa kolehiyo.

Gayundin, disiplina sa oras ang isa sa natutunan niya bilang mag-aaral dahil tulad ng ibang estudyante, naglalaan siya ng oras upang mag-review ng kanilang lessons, mula sa kasalukuyan at maging sa darating pa.

Mula sa klaseng 12-5 p.m., nagkakaroon pa ito ng extension dahil hindi naman maiiwasan ang overtime o hindi naman kaya ay gabi lamang ang mga oras na bakante ang mga propesor niya lalo na sa mga major subjects. Pagkatapos pa nito, pipiliin niyang mag-aral pa kaysa matulog na lamang.

At dahil wala na siyang inaalagaan, itinuon na lamang ni Mommy Zonia ang kanyang oras sa pag-aaral at animo’y nagbalik sa kanyang kabataan matapos maranasan ang buhay estudyante.

Paghahagi niya, tuwing alas-dos hanggang alas-tres ng madaling araw ay nagre-review siya ng mga aralin, nagsasagawa ng researches, at inaaral ang mga report kahit na hindi siya ang nakatakdang reporter sa araw na iyon. Ito ay upang maging handa sa mga tanong na ibabato ng mga propesor sa kanila kung sakaling hindi makasagot ang mga reporter.

Biyaya rin niya kung maituturing ang pagbabalik-eskwela sa mas matandang edad dahil nire-respeto siya hindi lamang ng kanyang mga kaklase kundi pati na rin ang kanyang mga propesor na hands on sa kanya.

Tumatayo rin siyang ‘disciplinarian’ sa kanilang paaralan dahil sa kanya isinusumbong ang mga mag-aaral na matitigas ang ulo. Gayundin, naging kahalili siya ng mga propesor sa pagtuturo lalo na kung nagkaroon ito ng sakit at hindi na kayang ipagpatuloy ang lecture sa nakatakdang araw.

Nito lamang Hunyo, tagumpay na nairaos ni Mommy Zonia ang buhay kolehiyo, at nakatakda ang kanilang graduation rites sa darating na October 19.

Ngayong nakapag-tapos na siya ng kolehiyo, muli niyang plano na tumulong sa komunidad gamit ang kanyang kursong kinuha sa pamamagitan ng pagiging volunteer social worker lalo na sa marginalized sector sa kanilang lugar.

Patunay lamang ang kwento ni Mommy Zonia na hindi pa huli ang lahat upang abutin ang pangarap na minsan nang tinalikuran.

Kaya naman mensahe niya sa mga senior citizen na may balak pang mag-aral ngunit natatakot dahil sa edad, tatagan ang loob at kumuha ng kursong tiyak na makakatulong lalo na sa mga nasa laylayan.

“Need talaga tayo, lalo na kung senior, [na] i-empower natin ang sarili natin para may maitulong tayo sa community, lalo na sa country natin, sa pamamagitan ng pagkuha ng kursong angkop para sa marginalized sector,” ani Mommy Zonia.