BAYAMBANG, Pangasinan -- Ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Pangasinan Fourth District Engineering Office ang total closure ng Carlos P. Romulo Bridge sa Brgy. Wawa. ngayong Huwebes ng gabi, Oktubre 20.
Isasara ang naturang tulay matapos itong gumuho kaninang 3:30 ng hapon habang dumaraan ang isang elf truck at dump truck sa tulay patungong Camiling, Tarlac.
Sa ulat mula kay Col. Jeff Fanged, officer-in-charge ng Pangasinan Police Provincial Office, sugatan ang dalawang drayber ng truck.
Kinilala ang mga biktima na sina Roger Solomon, driver ng elf truck at pasahero nitong si Cesario del Rosario, na pawang residente ng Brgy. Bobon Camiling, Tarlac; at Richard Pecson, driver ng dump truck, residente ng Brgy. San Vicente, San Jacinto, Pangasinan at pasaherong si Ronico Yanes, residente ng Brgy. Lasip, Lingayen, Pangasinan.
Nabatid na may kargang fertilizer ang elf truck habang buhangin naman ang karga ng dump truck.
Pinayuhan naman ni District Engineer Simplicio Gonzales ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.