Umani ng iba't ibang reaksiyon at komento ang mga naging pahayag ni Senador Jinggoy Estrada, lalo na sa avid K-Pop at K-Drama fans, na ikinokonsidera niyang ipa-ban o ipagbawal ang Korean drama at iba pang dayuhang palabas sa bansa, dahil aniya ay mas tinatangkilik pa ito ng mga manonood kaysa panoorin at suportahan ang mga show na gawang Pinoy.
Ayon umano sa pagmamasid ni Estrada, masyado nang tinatangkilik ng mga Pilipino ang mga KDramas at hindi na pinapansin ang mga likhang Pinoy.
"Ang aking obserbasyon pagpatuloy tayo nagpapalabas ng Korean telenovela, ang hinahangaan ng ating mga kababayan ay itong mga Koreano at nawawalan ng trabaho at kita yung ating mga artistang Pilipino," saad ng senador.
"Kaya minsan pumapasok sa aking isipan na i-ban na itong mga telenovela ng mga foreigners at dapat ang mga artista nating Pilipino, talagang may angking galing sa pag-arte ay 'yun naman dapat ang ipalabas natin sa sariling bansa natin."
"Kung ang pino-promote natin ay mga produkto ng Koreano, kaya nagkakaroon tayo ng halos maraming produktong Korean dito sa atin imbis na i-promote natin yung sarili natin ang napo-promote natin yung mga banyaga,” dagdag pa.
Samantala, kaugnay ng isyung ito ay nagpahayag naman ng panukala si Senador Robinhood "Robin" Padilla na taasan ang taripa ng foreign series na ipinalalabas sa bansa.
Sang-ayon naman si FDCP Chairman Tirso Cruz III na dapat ay magkaroon ng balanse pagdating sa mga ipinalalabas na serye o pelikula sa bansa, dayuhan man o lokal.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/10/19/sen-jinggoy-estrada-kinokonsiderang-ipa-ban-korean-dramas-sa-bansa/">https://balita.net.ph/2022/10/19/sen-jinggoy-estrada-kinokonsiderang-ipa-ban-korean-dramas-sa-bansa/
Kahapon ng Miyerkules, Oktubre 19, nilinaw ni Estrada ang kaniyang naging mga pahayag, sa pamamagitan ng panayam ng isang programang panradyo. Nasabi aniya ito dahil "out of frustration".
"Kaugnay sa aking pahayag kahapon sa mga foreign-made shows, my statement stems from the frustration that while we are only too eager and willing to celebrate South Korea’s entertainment industry, we have sadly allowed our own to deteriorate because of the lack of support from the moviegoing public," aniya sa isang pahayag.
"Wala po akong balak i-ban. That was said out of frustration. Gusto ko talaga Filipino first," paglilinaw niya.
Wala umano siyang masamang tinapay sa tagumpay ng South Korean entertainment industry, at mas mainam daw na gayahin o matuto mula rito; sa kabilang banda, hindi naman daw dapat balewalain ang likhang Pinoy.