Posibleng ipasok sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice ang self-confessed gunman sa pagpatay kay hard-hitting broadcaster Percy Lapid (Percival Mabasa) na siJoel Escorial, ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ipinaliwanag ni Remulla, mangyayari lang ito kung tutukuyin ni Escorial ang mastermind sa krimen.
"That's very possible. Kung talagang 'yun lang ang paraan para matapos natin ang kaso, considered po 'yan. 'Yan po'y napag-uusapan at 'yan po ay talaga namang dadaan din sa scrutiny ng court," pagdidiin ni Remulla sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes.
Nauna nang inihayag ni Remulla na ikinokonsiderang pangunahing suspek sa krimen si Escorial na sumuko sa mga awtoridad dahil sa pangamba sa kanyang buhay at hindi sa alok ng gobyerno na gawin itong star witness.
Sa kanyang pagsuko, inamin nito na siya umano ang bumaril kay Lapid na sakay ng kanyang kotse habang papauwi sa BF Resort Village, Las Piñas City nitong Oktubre 3 ng gabi.
Kinilala rin ni Escorial ang tatlo niyang kasabwat na sinaIsrael Dimaculangan, Edmund Dimaculangan, at isanng"Orlando" na pawang hindi pa naaaresto.
Si Escorial at tatlong iba pa ay kinasuhan na ng murder sa piskalya.
Ibinunyag din ni Escorial na galing sa National Bilibid Prison ang utos na patayin si Lapid.
"Pinatitignan ko po ngayon 'yan at actually, dalawang anggulo ho 'yan. NBI (National Bureau of Investigation) will conduct its own independent investigation. Nag-iimbestiga na ho sila. Ang isa pang angulo kasi, ang sinabi sa akin ni secretary Abalos nung isang araw ay BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) daw ang nakausap nung gunman," lahad pa ni Remulla.