Hot topic sa Twitter ang sagot ng contestant na si "Buunja" sa jackpot round ng top-rating game show ng GMA Network, ang "Family Feud", na hino-host ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes tuwing hapon.

Sa naturang jackpot round, natanong kay Buunja kung anong body part ang nagsisimula sa letrang T.

Walang patumanggang "titi" ang isinagot ni Buunja, dulot marahil ng tumatakbong oras. Hindi naman nagpatinag si Dingdong at tuloy-tuloy lamang sa pagtatanong sa kalahok.

Marami naman ang pumuri sa propesyunalismo ni Dingdong, dahil sa halip daw na matawa at madistract ang kalahok, ay nagtuloy-tuloy lamang ito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, nagkomento naman dito ang batikang writer ng ABS-CBN at Palanca awardee na si Jerry B. Grácio.

"Ba't kailangan i-censor ng Family Feud ang titi? E titi naman talaga ang titi. Or tite. Or utin, butò, votò, lusò, gulut in other Philippine languages. Is it ok to say penis & not titi? Ano problema n'yo sa titi, mas gusto n'yo ba ang burat or tarugo?"

Ayon pa sa isa niyang Facebook post, "Hindi Family Feud ang may kasalanan sa censorship ng words like titi or súso. Kasalanan ng MTRCB with their backward prudishness & misplaced values. Dapat talaga, i-abolish na ang agency na 'yan."

Hati naman ang naging reaksiyon at saloobin ng madlang netizen tungkol dito. Anila, may punto ang sinasabi ni Grácio dahil wala namang masama sa mga salitang ito; ito talaga ang katawagan sa mga pribadong bahagi ng katawan ng tao sa wikang Tagalog/Filipino. Bakit daw kapag nasa wikang Ingles ay okay lang, gaya ng "penis", "vagina", o maging ang "sex"?

May ilan din namang netizen ang nagsabing ang mga ganitong salita ay maituturing na "taboo" o hindi kinasanayang gamitin sa publiko lalo't may mga batang nakaririnig o nakapapanood.

Dahil dito, nag-trending din ang MTRCB o Movie and Television Review and Classification Board.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng Family Feud, GMA Network, o MTRCB hinggil sa isyung ito.