Mahigpit ang habilin ni Manila Vice Mayor Yul Servo, sa mga empleyado at opisyal ng City Hall na palaging ngumiti, partikular na sa kanilang pakikipag-transaksyon sa publiko.
Ayon kay Servo, na kilala sa kanyang pagiging palangiti, dapat na iwasan ng mga ito ang pagsimangot lalo na kung ginagampanan ang kanilang tungkulin.
“Lagi tayong maghatid ng serbisyong may ngiti. Dapat lagi tayo naka-smile sa lahat ng lumalapit. ‘Wag nakasimangot. Dapat smiling face kasi pag nakangiti tayo, ‘yung lumalapit sa atin na may problema, luluwag at gagaan ang pakiramdam,” aniya.
Idinagdag pa nito na hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na makapagsilbi sa kanilang kapwa, kaya naman dapat na ibigay ng sinumang public servants ang kanyang 'best' kapag siya ay nagtatrabaho.
Nabatid na si Servo muna ang kasalukuyang acting mayor ng Maynila matapos na magtungo si Manila Mayor Honey Lacuna sa Buenos Aires upang dumalo sa C40 World Mayors Summit.
Si Servo rin muna ang nanguna sa lingguhang flag raising ceremony na idinaos sa lungsod noong Lunes, Oktubre 17.
Kaugnay nito, umapela rin si Servo sa lahat na manalangin para sa ligtas at mabungang paglalakbay ni Lacuna.
"Ating ipanalangin ang mapayapa, ligtas na paglalakbay at mabunga at matagumpay na paglahok sa world summit of mayors countries ng ating butihing alkalde Mayor Honey," hiling ni Servo.
Dagdag ni Servo, nag-iwan ng direktiba ang alkalde na ipagpatuloy ang kampanya para sa kaayusan, kalinisan, paghahatid ng matapat at episyenteng serbisyo sa mamamayan ng Maynila.
“Palaging pinapaalala sa atin ni Mayor Honey na ang serbisyo publiko ang pinakamataas na antas ng tawag sa paglilingkod at ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na baguhin ang buhay ng ibang tao at higit na mapagbuti ang mundo. Kaya pahalagahan nating lagi ang pagkakataon na maging mabuting lingkod bayan,” sabi pa ni Servo.
Samantala, nabatid na ang kapatid ni Servo na si Councilor Apple Nieto, ang siya namang gaganap bilang vice mayor gayundin bilang Presiding Officer ng Manila City Council. Si Nieto ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa lahat ng konsehal noong eleksyon.