Pinag-iisipan umano ni Senador Jinggoy Estrada na ipa-ban ang mga tinatangkilik na Korean dramas sa Pilipinas, upang mas tangkilikin at panoorin ang shows na gawa ng mga Pilipino, ayon sa isinagawang budget hearing para sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) nitong Martes, Oktubre 18.

Ayon umano sa pagmamasid ni Estrada, masyado nang tinatangkilik ng mga Pilipino ang mga KDramas at hindi na pinapansin ang mga likhang Pinoy.

"Ang aking obserbasyon pagpatuloy tayo nagpapalabas ng Korean telenovela, ang hinahangaan ng ating mga kababayan ay itong mga Koreano at nawawalan ng trabaho at kita yung ating mga artistang Pilipino," saad ng senador.

"Kaya minsan pumapasok sa aking isipan na i-ban na itong mga telenovela ng mga foreigners at dapat ang mga artista nating Pilipino, talagang may angking galing sa pag-arte ay 'yun naman dapat ang ipalabas natin sa sariling bansa natin."

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

"Kung ang pino-promote natin ay mga produkto ng Koreano, kaya nagkakaroon tayo ng halos maraming produktong Korean dito sa atin imbis na i-promote natin yung sarili natin ang napo-promote natin yung mga banyaga,” dagdag pa.

Samantala, kaugnay ng isyung ito ay nagpahayag naman ng panukala si Senador Robinhood "Robin" Padilla na taasan ang taripa ng foreign series na ipinalalabas sa bansa.

Sang-ayon naman si FDCP Chairman Tirso Cruz III na dapat ay magkaroon ng balanse pagdating sa mga ipinalalabas na serye o pelikula sa bansa, dayuhan man o lokal.