Hindi nakapagtimpi si Mel de Guia, kasintahan ni Sheryn Regis, sa isang tagahanga umano ni “Asia’s Phoenix” Morissette Amon matapos tila pagsabungin ang Cebuana singers kasunod ng kanilang viral na bakulawan sa kantang “Gusto Ko Nang Bumitaw.”
Sa screenshot ng YouTube comments na ibinahagi ni Mel sa kaniyang Twitter nitong Martes, isang fan ni Morissette ang walang habas na naglitanya ukol sa “down” nang karera ng tinaguriang “Crystal Voice of Asia.”
“Opo! Marunong po ako pumatol sa mga utak ipis na to! Inaano ba kayo ni Sheryn? Mori mga fans mo, nalimutan ata itake ang GMRC,” mababasa sa tweet ni Mel kalakip ang mga nasabing screenshot ng mga komento.
Dagdag ng fan, dapat daw pasalamatan ni Sheryn si Morissette na nagpasikat sa kantang “Gusto Ko Nang Bumitaw” na aniya’y “patay na kanta” ng Pinay diva.
Kasama si Michiko Unso, sina Jonathan at Sheryn ang nagsulat ng trending na piyesa at unang napakinggan at nai-release noong Setyembre 2021.
Inilabas naman ang version ni Morissette noong Pebrero ngayong taon bilang isa sa soundtrack ng patok noon na "The Broken Marriage Vow" ng ABS-CBN.
Sa isang mahabang tugon, diretsang pinalagan ng partner ni Sheryn ang mga kargadong komento ng naturang fan.
“Seems like you don’t know what really happened. 1st, what money are you talking about? Mukhang di mo talaga alam ang industry nila,”pagsisimula ni Mel.
“2nd, nirelease ni Sheryn yang kanta nya OCT 2021 then 2 months lang they decided na gawing Themesong ng TBMV at ipakanta kay Morisette. Hindi pa napropromote masyado yung single dahil may SCHEDULE na tinatawag to promote. Hindi nabigyan ng pagkakataon si Sheryn in short. Why? Dahil ipapalabas na ang TBMV at syempre ayon ang themesong na araw araw mo maririnig kaya tatatak sa isip mo.
“3rd, Comeback sana ni Sheryn yan. Pero ano ginawa ni Sheryn? Nirespeto nya desisyon ng StarMusic na ipakanta kay Morisette yung comeback song sana nya. Kung talagang may alam ka sana alam mo na sailing kwento ni Sheryn yang GKNB kaya nabuo yan. Trinaslate yung journal nya from English to Tagalog at dinagdagan ni Sir. Jonathan at binigyan ng kulay pa.
“Kaya sino ka para magmagaling at sabihan si Sheryn ng ganyan?? Walang masama mag-idolo sa hinahangaan mo, wag mo lang pagsalitaan ng hindi tama ang kapwa mo dahil lang gusto mo maangat yang pinaglalaban mo. STOP COMPARING! Ay wait asa pilipinas nga pala tayo kung saan feeling entitled lahat. Kung kaharap ko lang ulit si Morissette ngayon sasabihin ko ang TOTOXIC NG FANS nya. Kavo ang sumisira sa iniidolo nyo. Sana masarap ulam no bukas,” sunod-sunod na pagpatol ni Mel.
Wala pang reaksyon si Morissette ukol sa isyu.
Paglilinaw naman ng kasintahan ni Sheryn, “Btw [By the way], sobrang goods samin ni Inday Mori, specially kapwa bisaya. To all the fans ni Sheryn and Mori, please be kind. They both deserve the love, support and respect. Ok naman sila at pareho magaling, ba't pinagsasabong nyo?”
Nauna nang pinasalamatan ng “Asia’s Phoenix” pareho sina Sheryn at Jonathan Manalo para sa pagbibigay-buhay sa OPM hit.
Noong nakaraang buwan, kinilala ang “Gusto Ko Nang Bumitaw” bilang “Best Theme Song” sa Asian Academy Creative Awards.