Tuloy pa rin ang implementasyon ng limang araw o full face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa susunod na buwan, sa kabila ng pagkumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nakapasok na sa Pilipinas ang COVID-19 Omicron XBB subvariant at XBC variant.

Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Department of Education (DepEd) Spokesperson Atty. Michael Poa na wala pa silang anumang amendments o pagbabago na ipinatutupad hinggil sa full implementation ng face-to-face classes simula sa Nobyembre 2.

“Sa ngayon, wala pa tayong any advice on any change. In fact, kaka-issue lang natin ng DO 44 nung Monday. Tayo naman po sa [DepEd], of course, we will always take our cue from the advice given by the DOH pagdating sa mga health guidelines or any health concerns,” ayon kay Poa, nang matanong hinggil sa isyu.

“Sa ngayon, wala pa tayong pagbabago na maa-anunsyo doon sa amendatory DO na na-issue natin just two days ago,” aniya pa.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nauna rito, noong Lunes ay inilabas ng DepEd ang Department Order (DO) No. 44, na nagpapahintulot sa mga pribadong paaralan na magdaos ng limang araw na face-to-face classes, blended learning modality, o full distance learning simula sa nasabing petsa.

Ang mga pampublikong paaralan naman ay kinakailangang magpatupad na ng full in-person classes simula sa susunod na buwan.

Tiniyak naman ni Poa na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa DOH at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa monitoring ng health situation sa mga paaralan, lalo na ngayong nakapasok na sa bansa ang XBB at XBC variant.

Dagdag pa ni Poa, ipinauubaya ng DepEd sa mga local government units ang pagbibigay ng datos ng COVID-19 infections sa mga paaralan, upang matiyak na accurate ang numero na isasapubliko, kasunod na rin ng mga ulat na may mga naitala ng COVID-19 cases sa ilang paaralan sa bansa.

“Ayaw po natin ng conflicting numbers or figures ang binibigay natin and because all cases from schools have to be reported to the LESUs o ‘yung local epidemiology and surveillance units ng ating LGUs,” paliwanag pa ni Poa.

Una nang kinumpirma ng DOH na mayroon nang naitalang 81 kaso ng Omicron XBB subvariant at 193 cases na XBC variant sa bansa.