Kinasuhan na ng pulisya ang umano'y pumatay kay hard-hitting broadcaster Percy Lapid o Percival Mabasa kamakailan.
Si Joel Escorial, ang umaming bumaril kay Lapid sa Las Piñas City nitong Oktubre 3 ng gabi, ay ipinagharap ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ) nitong Martes ng gabi.
“Nag-file po tayo kahapon po sa Department of Justice sa Manila ng kasong murder laban kay Joel Escorial, Israel Dimaculangan, Edmund Dimaculangan, at kay alias Orly,” sabi ni Southern Police District chief Police Brig. Gen. John Kirby Kraft.
Kinumpirma naman niProsecutor General Benedicto Malcontento na isinailalim nila sa inquest proceedings sa DOJ si Escorial.
Posible aniyang isapubliko ang resolusyon sa Huwebes, Oktubre 20.
Sumuko sa pulisya si Escorial nitong Martes matapos umano niyang makita ang mukha nito sa closed-circuit television (CCTV) camera na isa sa mga suspek sa pagpatay kay Lapid.
Kaugnay nito, nagtungo naman sa DOJ si Roy Mabasa, kapatid ni Lapid, nitong Miyerkules upang pirmahan ang reklamo laban kay Escorial at sa tatlo pang kasabwat nito.
“Officially, pipirma, manunumpa tayo sa piskal upang officially mai-file 'yung murder case doon sa suspect at 'yung tatlong kasabwat nito,” paglalahad ni Mabasa.