Mukhang matatapos na ang halos araw-araw na pang-ookray ni showbiz columnist Lolit Solis kay Kapuso at "Start-Up PH" star Bea Alonzo matapos niyang humingi ng paumanhin dito, batay na rin sa pagbasag ng katahimikan ng manager nitong si Shirley Kuan.

Ayon sa mahabang Instagram post ni Lolit, hihinto na siya sa pandadaot kay Bea dahil nadadamay na rin ang iba pa niyang kaibigan, gaya nina "Salve Asis" at "Gorgy Rula" na mga manunulat din.

"Pero isang bagay na masasabi ko Salve at Gorgy, mas nalungkot ako sa pagdamay ni Shirley Kuan sa inyong dalawa. Overboard na para bang dahil malapit kayo sa akin, dapat kayong idamay ni Shirley Kuan. Nagsimula sa akin, dapat sa akin din magtapos," ani Lolit.

Sinisi ni Lolit ang kaliwa't kanang bash na natatanggap niya mula sa mga tagahanga ni Bea kaya naging sunod-sunod din ang mga buwelta niya rito. Inamin din ni Lolit na number 1 fan siya ni Bea noon pa man, sa tambalan nila ni John Lloyd Cruz noong nasa ABS-CBN pa ang dalawa.

National

Magnitude 4.2 na lindol, yumanig sa Batanes

"Aminado ako na dahil lang sa pagpatol sa mga bashing ng fans kaya naging sunod-sunod ang kagagahan sinulat ko kay Bea Alonzo. For that, I Am Very Sorry. Naisip ko na ang tinamaan si Bea Alonzo na puwedeng nasaktan dahil sa mga nasabi at nasulat ko. At dahil Mahusay at Matalino ang kanyang manager na si Shirley Kuan, ipinagtanggol niya ang kaniyang alaga. At pinaka magandang ginawa niya, ipa-cancel ako sa presscon ng Beautiderm."

"At ang the height, isali sa cancellation sila Salve at Gorgy. Brilliant idea, very intelligent move from a very successful number 1 manager, Shirley Kuan. Now, the rest is history. Ako na ngayon ang bully. Ako na ngayon ang may sala. To think na favorite loveteam ko ang John Lloyd Cruz at Bea Alonzo."

Pinuri naman ni Lolit si Bea bilang isa sa mga may pinakamagandang mukha sa showbiz, malayo sa lagi niyang banat na "tigulang" o mukha na itong matanda, kung itatabi kina Alden Richards at Marian Rivera.

"To think na para sa akin isa si Bea sa may pinakamagandang mukha sa showbiz. Me and my crooked sense of humor na hindi makuha ng lahat. Sa mga nakikisali sa issue, wala akong galit kay Bea Alonzo. Kung nasaktan siya, at ang mga nagmamahal sa kanya, I Am Very SORRY."

Nakiusap naman si Lolit na huwag nang idamay ang kaniyang mga kaibigan, tutal siya naman daw ang may kasalanan. Hindi rin naman daw siya naging "plastik" kahit kailangan.

"Ako lang ang may kasalanan, huwag na ninyo isali sila Salve at Gorgy. At please, tigilan na ninyo ang pagiging plastic, sa buhay, dapat nasa kanan, o kaliwa ka lang. Iyon mga nasa gitna, umiiwas lang dahil mga duwag sila na ayaw madamay. Basta ako, alam ko aminin kung tama o mali ako. Hindi ako naging plastic kahit kailan. Bonggađź‘Ť#classiclolita"

Samantala, sa isang pahayag ay inamin ni Bea na hindi niya nababasa ang mga pinagsasabi sa kaniya ni Lolit kaya hindi siya makakapag-react. Isa pa, ayaw niya umanong patulan ito, lalo na sa kalagayan nitong nagda-dialysis dahil sa kidney problem.

Naisip din ni Bea na baka kung ano pa ang mangyari kay Lolit ay sa kaniya pa isisi ito ng mga tao.