Isinusulong umano ni Senador Raffy Tulfo ang paglalagay ng babala tungkol sa mga epekto ng pagkonsumo o pagkain ng instant noodles na posibleng makaapekto sa kalusugan ng mga mamamayan.

"Ang sobrang pagkonsumo ng sodium ay hindi nakakabuti sa katawan. Ayon sa standards, 2000mg ng sodium lang ang dapat na kinokonsumo ng isang tao kada araw. Itinutulak ni Sen. Idol ang paglalagay ng babala sa mga pakete ng instant noodles para malaman ng ating mga kababayan ang maaaring epekto ng sobrang pagkain ng mga ito," ayon sa post na makikita sa kaniyang opisyal na Facebook page.

Sa isang pubmat na may petsang Oktubre 17, iginiit ni Tulfo na hindi siya "against" sa pagkonsumo ng instant noodles.

"Hindi ako against sa instant noodles. In fact, mag-manufacture pa tayo dahil affordable ito sa mahihirap nating mga kababayan. Ang akin lang, sana maglagay man lang ng babala na ito ay mataas sa sodium at maaaring magdulot ng kidney problems," aniya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa isa pang Facebook post, sinabi pa ni Tulfo na tila "napapabayaan" daw ang mahihirap na mga mamamayan, dahil sa madalas na pagkonsumo ng mga produktong maaalat.

"1.2M Filipinos po annually ang nagkakasakit po sa kidney dahil sa pagkonsumo ng maaalat na produkto ayon sa National Kidney Institute. Ang instant noodles hindi lang once a day kinakain ng mga mahihirap, kasi ito po ang kanilang abot-kaya. Kaya nga ang tawag dito ay 'poor-man's food'", dagdag pa ni Tulfo.

Bukod umano sa pagbibigay-babala, iminungkahi rin ng senador na tingnan ang alternatibong magnesium chloride sa instant noodles.

"If you know that these products are not good for the health of the Filipino people, dapat po ay umaksyon na kayo agad, at kayo mismo ang gumawa ng initiative to refer the issue to the agency concerned. Hindi 'yung sasabihin ninyong hindi n'yo trabaho 'yan at magtuturo kayo ng ibang departamento," giit ng senador.