Nagluluksa ngayon ang Kapuso actor na si Royce Cabrera sa biglaang pagpanaw ng kaniyang manager na si Dudu Unay, na siyang nagsilbing sandigan ng aktor sa pagbulusok ng kaniyang showbiz career.
Ibinahagi ng "Start-UP PH" actor ang kaniyang nakaka-touch na saloobin sa pamamagitan ng kaniyang Instagram.
Sabi niya, “Isa ka sa mga taong naniwala sakin na kaya ko. Muntik nakong sumuko noon dahil pakiramdam ko walang nangyayari pero inilaban mo ko, sumugal ka sakin. Kaya eto ako ngayon Tito patuloy na inaabot lahat ng pangarap na pinag-usapan natin."
“Salamat sa pagsugal mo sakin, salamat sa lahat ng payo mo, salamat sa lahat ng efforts mo, salamat sa pagiging manager ko. Hindi ko sasayangin lahat ng 'yun Tito."
“Sayang dami pa natin projects na gagawin. Hindi ko alam kung papaano aandar mag-isa pero alam ko nandito ka pa rin sa likod ko laging naka-alalay."
"Rest well Tito Dudu. Bitbit ko lahat ng natutunan ko sa'yo para patuloy na sumabay sa agos ng buhay.”
Samantala, nakausap ng Balita Online sa cellphone ang pamangkin ni Dudu Unay na si Ej Limcumpao para tanungin ang nangyari sa kaniyang uncle. Biglaan daw at ang bilis ng mga pangyayari.
“Actually, October 6 nag-check up siya sa Heart Center tapos niresetahan siya ng mga gamot after nun ilang araw na medication nagkaroon siya ng problem. Nasa Project 8 po siya so ang nangyari masama na ang pakiramdam niya. Yung kamay niya, buong katawan niya nanlalamig na then mababa na pala ang dugo niya. Nangyari ito last week lang po. Siguro mga Tuesday or Wednesday po ganun.”
Paglalahad pa ni Ej na nagdesisyon na raw ang Tito niya na i-uwi na lang siya sa Bulacan na kung saan naroon ang kapatid ni Dudu at mga pamangkin. Kaya naman nagpahatid ito sa kaniyang talent. Dahil sa Project 8, siya lang daw ang nakatira doon at walang nag-aassist. Umabot pa nga raw na hinimatay ang Tito niya doon.
“Noong hinatid siya sa bahay hindi na maganda ang pakiramdam niya maano na ang mga buto niya, nanlalamig na po. So ang ano namin kasi nga may binigay na medication sa kaniya ang doctor from Heart Center tumi-take lang siya hanggang sa kinabukasan pag-uwi ko ng umaga yun na noong kinapa ko yung legs niya binuhat ko siya yun na hindi na maganda.”
Dahil sa ganoong sitwasyon bagamat may pag-aalinlangan, nagdesisyon na umano si Dudu na magpa-confine na sa hospital ng Linggo ng gabi. Dahil iba na raw ang hitsura nito, maputla na. Kaya isinugod na nila sa Bocaue Specialist Medical Center. Habang nasa ER daw sila bumababa na raw ang BP ni Dudu sa 60/80. Nagbago man, bumabalik pa rin daw sa pagbaba ng BP. Kaya nagsagawa ang hospital ng echo ultrasound.
Nitong Lunes ng 10:00 ng umaga, tinawagan na raw si Ej ng kaniyang nanay para pumunta na sila ng kapatid niya sa ospital dahil may hindi na raw magandang nangyari sa Tito nila. Umuwi muna raw kasi si Ej mula nang isinugod nila ito sa ospital para magpahinga sa bahay nila. Pagpunta nila ng ospital, doon na raw niya nalaman na wala na ang Tito nila. Sa bawat kuwento ni Ej, ramdam mo ang malungkot na pinagdadaanan nilang pamilya ngayon. Pagbabahagi pa ni Ej, may problema raw talaga sa puso ang Tito niya na late lang daw nalaman.
Cardiac arrest umano ang ikinamatay ni Dudu sa edad na 52. Ang tatlong araw na lamay ay magaganap sa St. Peter Chapel sa Quezon City. Kalaunan ay iuuwi raw ang kaniyang mga labi sa Catbalogan, Samar.
Ang nakalulungkot pa rito, nangako pa raw si Dudu na uuwi sila ng Samar para doon ipagdiwang ang Pasko. Pero ganito na ang nangyari. Na-depress din daw ang Tito niya mula nang pumanaw ang kapatid nito noong nakaraang Mayo, na dahil din sa atake sa puso.
Marami rin ang nakapansin sa showbiz industry ang pagpayat ni Dudu dahil nahilig ito sa paggygym at pagbabawas ng mga kinakain.
Si Dudu Unay ay dating tumulong noon kay Pambansang Bae Alden Richards para mag-audition sa fantasy romance ng GMA-7 na “Alakdana” na kalaunan ay siyang nakuhang lead actor.
Siya rin ang discoverer ni Liza Soberano na ipinakilala niya kay Ogie Diaz na siyang naging dating manager nito. Ang iba pa niyang talent ay si Lance Carr.