Tila nakisabay na sa “new normal” ang Philippine Normal University, isang state university para sa mga magiging guro ng bayan, pagdating sa “Gender Expression” ng mga mag-aaral nito, matapos ibahagi sa opisyal na Facebook page ng Center for Gender and Development nito ang mga amyenda sa ilang mga panuntunang pang-mag-aaral.
"The New OSASS rocks the New Normal! Welcome back to Normal EVERYONE!!! Gender Expression FTW!" saad sa caption ng Facebook post nitong Lunes, Oktubre 17.
Kalakip nito ang litrato mula sa inilabas na memo ng pamantasan kaugnay ng "Hair, Tattoos, and Piercing".
Anila, pagdating sa buhok ng mga mag-aaral, pinapayagan na ang pagpasok ng mga "Isko at Iska" na may kulay na ang buhok, anuman ang tabas o haba nito.
Pinapayagan na rin ang mga mag-aaral na may tattoo sa katawan, basta't hindi ito nakaka-offend sa ibang tao, relihiyon, kultura, lahi, kasarian, at iba pang social group/identity. Hindi rin ito dapat nagpapakita ng violence at may kaugnayan sa sex.
Pagdating naman sa piercing, pinahihintulutan ang paglalagay ng maximum one pair ng fashionable earrings. Kung stud earrings naman, kailangang maliit lamang ito. Sa PE sessions, maaari itong ipatanggal ng facilitator kung kinakailangan para sa safety purposes. Gayunman, kung may "university festivals with no sports activities", maaaring magsuot ng maraming hikaw ang mag-aaral, depende sa okasyon.
Ngunit kung ang isang mag-aaral ay nakatakdang mag-practicum sa partner institutions, kailangan nilang sundin kung anuman ang panuntunan nito pagdating sa ganitong mga bagay.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Bakit ngayon lang 'to? Huhuhu di ko na mabilang how many times akong naharang/napagalitan ng profs, and guard dahil both may kulay ang buhok ko at madami akong piercings. Huhuhu pero happy kasi this is a big leap PNU. Proud af 👏 Hahaha nagtuturo ako na blonde ang hair ko now so what hahaha."
"Long-overdue, but still nice."
"Taray! Kudos, PNU!"
Ang Philippine Normal University ay "National Center for Teacher Education" ayon sa R.A. 9647 na may apat na campuses sa buong bansa.