Hindi pinalampas ng dokumentarista at Kapuso news presenter na si Atom Araullo ang walang habas na panre-redtag ng isang Twitter user sa kaniyang ina.
Nitong Martes, Oktubre 18, kalakip ang mga screenshots bilang patunay, sinita at kinondena ng Kapuso news personality ang mga walang basehang tirada ng isang Twitter user.
“I don’t usually call out private individuals here, but behavior like this should not be normalized. Disinformation is a huge problem globally, one that can have deadly consequences,” ani Araullo sa kaniyang tweet.
Isang @Jey_Owh, sa apat na magkakahiwalay na tweet, ang naglagay sa alanganin kay Carol Araullo.
Dito, tinawag ng netizen na kasapi ng New People’s Army (NPA) ang ina ng mamamahayag at itinuro pang “utak ng bombing sa Mendiola.”
Mariing giit ni Araullo, “@Jey_Owh, don’t do that. These are lies, probably fed to you by some of the influencers you follow. Kailan pa naging katanggap-tanggap yung ganito?”
Kilalang isang demonstrador at aktibista ang ina ng mamamahayag noong pumutok ang tinawag na Diliman Commune of 1971 hanggang sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong dekada ’70.
Parehong nagtapos sa University of the Philippines (UP), ang aktibismo ay tinahak rin ng anak sa kasagsagan naman ng kabi-kabilang protesta laban kay noong Pangulong Joseph Estrada.
Paglalawaran ng mag-ina sa isang one on one interview session noong 2021, “personal journey” ang kani-kanilang naging motibo sa pagyakap sa aktibismo.
Pag-amin din ng mamamahayag, malaking bahagi ng kaniyang pagkatao sa ngayon ang mga natutunan sa kaniyang ilang taong pakikibaka.
“I would have been insufferable kung hindi ako naging aktibista. I would’ve been too self-involved, feeling ko masyado akong na-in love sa sarili ko to an extent,”aniya.
Kilalang sentro at madalas na biktima ng redtagging ang University of the Philippines (UP) ngunit paglilinaw noon ni Araullo, “Being a UP student ha, tingin ko dominant na kaisipan sa UP is still being one of conversative ha. It’s a misnomer na ang mga lahat ng taga-UP ay aktibista.”
“Magugulat ka. 'Yung ibang mga taga-UP na dating mga miyembro ng student council halimbawa, sila pa ‘yung mas, ‘Hay naku bahala kayo sa buhay n’yo basta sa‘kin eto na ‘yung gagawin ko.’ Cynical, oo,” dagdag ng mamamahayag.