Nanawagan sa publiko si dating Manila Mayor Isko Moreno, na ngayon ay kilala na sa tawag na Citizen Isko, na tulungan ang pamahalaan na nahaharap aniya ngayon sa matinding pagsubok.
"Let us help our country by not joining any efforts aimed at putting down the current government," ayon kay Moreno nang magsilbing panauhin sa kauna-unahang Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) Forum o Balitaan na ginanap sa Harbor View Restaurant malapit sa Quirino Grandstand nitong Lunes, Oktubre 17.
Pagbibigay-diin ni Moreno, lahat tayo ay magdurusa kung hindi natin tutulungan ang pamahalaan at mabibigo ito sa layuning mapaunlad ang bansa.
Sa nasabing forum, nanawagan si Moreno sa mga lider ng bansa na gawin nila ang kanilang bahagi upang magtagumpay ang pamahalaan.
Aniya, maging mga ordinaryong mamamayan ay maaari ring makapag-ambag para sa ikatatagumpay ng pamahalaan.
“Pagsunod sa simpleng alituntunin, sa batas-trapiko, pagtupad ng mga tungkulin bilang mamamayan, malaking tulong na ‘yun sa liderato,” sabi ni Moreno.
Nang tanungin naman ang ngayo'y Citizen Isko na lang tungkol sa first 100 days ni President Ferdinand Marcos, Jr., sinabi ni Moreno na, "President Marcos is on the right track but that he is faced with too many challenges both internal and external."
“Ituring natin na ang pamumuno ng isang lider ay para tayong nasa isang bangka. Ang kapitan ay ang pangulo at tayong lahat ang tripulante. Siya ang may hawak ng timon, siya ang gagawa ng direksyon at tayo naman ay dapat gampanan ang kani-kaniyang responsibilidad bilang tripulante," aniya pa.
Idinagdag pa niya , “wag natin ipanalangin… naku ’wag sasama sa mga indibidwal na ang layunin lang ay pabagsakin ang gobyerno. Kapag itong ating gobyerno ay bumagsak, sama- sama tayong lulubog dahil at the end of the day iisang bangka lang tayo. Let’s do this… para na din sa kinabukasan ng anak natin.’
Binigyang-diin pa niya ang kagandahan ng pag-move on, at ang demokrasya ay gumana nang piliin ng lahat ng 31 milyong Pilipino si Marcos noong nakaraang eleksyon.
“Ayan, sinabi ko fellow Filipinos. Ibig sabihn, mga kababayan, kadugo, kalahi pumili ng lider. ‘Yung halalan, nangyayari lang sa isang araw. 'Pag napili na, we have to get back to our lives and be good or better citizens. ‘Yun ay tulong na natin sa liderato,” ayon pa kay Moreno.