Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nasa 81 kaso ng bagong Covid-19 Omicron XBB subvariant at 193 kaso ng XBC variant, ang natukoy na sa Pilipinas.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na 81 kaso ng XBB ang natukoy sa dalawang rehiyon sa bansa.
Sa naturang bilang, 70 ang nakarekober na, walo ang naka-isolate pa, habang biniberipika pa ang kalagayan ng iba pa.
Wala naman sa mga pasyente ang namatay.
Una nang sinabi ng DOH na ang XBB sublineage ay nagpapakita ng higher immune evasion ability kumpara sa BA.5.
Ayon kay Vergeire, ang Omicron XBB subvariant ang siyang nagdudulot ng Covid-19 spikes sa Singapore at iba pang bansa. Gayunman, wala pa aniyang sapat na ebidensya na nagdudulot ito ng mas malubhang sakit.
“Mula po sa Singapore Ministry of Health, wala pa pong sapat na ebidensya ang magpapatunay na nagdudulot ng mas malubhang sakit ang panibagong subvariant na ito,” ani Vergeire.
Samantala, nakapagtala rin ang bansa ng 193 cases ng XBC variant sa 11 rehiyon.
Ayon kay Vergeire, sa naturang bilang lima ang kumpirmadong namatay.
May 176 infected individuals ang nakarekober na, tatlo ang naka-isolate pa, habang 'di pa batid ang lagay ng iba pa.
Ayon kay Vergeire, ang XBC ay isang variant under monitoring and investigation, ayon na rin sa United Kingdom Health Security Agency.
“Sinasabi na recombinant ng Delta at BA.2 variant ang XBC variant. Katulad ng XBB variant, hindi pa kumpleto ang ebidensya at walang ebidensya pa rin na tumutukoy na mas malubhang sakit ang maidudulot nito,” dagdag pa ni Vergeire.