Umaabot sa kabuuang 5,697 indibidwal ang nabiyayaan ng mahigit₱41.7 milyong halaga ng tulong medikal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula Oktubre 10 hanggang 14, 2022 lamang.
Ang pamamahagi ng naturang halaga ng tulong medikal na umaabot sa ₱41,741,401.78 ay isinagawa ng PCSO, sa ilalim ng kanilang Medical Access Program (MAP).
Ayon sa PCSO, sa National Capital Region (NCR), kabuuang 606 indibidwal ang napagkalooban ng tulong na umabot sa kabuuang ₱8,231,497.87 habang sa Northern at Central Luzon naman, nasa 1,288 indibidwal ang nabiyayaan ng kabuuang halaga ng medical assistance na nasa ₱10,030,091.01.
Sa Southern Tagalog at Bicol Region ay nasa 1,490 indibidwal o kabuuang₱8,360,203.68 ang naipamahagi habang sa Visayas ay nasa 1,093 ang nakinabang sa₱7,618,988.89 na tulong medikal ng PCSO.
Nasa 1,220 indibidwal naman ang nakinabang sa₱7,500,620.33 na tulong medikal na naipagkaloob sa mga taga-Mindanao.
Kaugnay nito, hinikayat ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto, dahil ang kanilang kinikita mula dito ay ginagamit nilang pantulong sa mga kababayan nating nangangailangan.