Ibinalita ng aktor na si Andrew Schimmer na muli nilang itinakbo sa ospital at inilagay sa Intensive Care Unit (ICU) ang kaniyang may sakit na misis, dahil sa mataas na lagnat.

Ilang araw matapos mailabas na mula sa pagamutan ay muli ngang isinugod ni Andrew ang misis na si Jorhomy Rovero o "Jho" dahil umano sa "kapabayaan" ng nutritionist nito.

"For transfer na po sha sa ICU now😭🙏🏻🙏🏻 God plss protect Her..I will do anything, plsss heal Her again😭💔😭🙏🏻 give Her back to me😭you promised," saad ni Andrew sa caption ng kaniyang Facebook post kung saan makikita ang nakaratay na asawa.

Politics

'Tropang angat' De Lima, Robredo, Hontiveros, reunited sa isang kasalan!

"Paano namang hindi lalagnatin 'yung tao? Can you imagine, ito 'yung laman ng kidneys mo? Diyos ko, kawawa. Tingnan n'yo manas na manas 'yung ano niya oh, kawawa naman," saad ni Andrew.

Ang inirereklamo ng aktor ay ang ginawa umano ng nutritionist sa kaniyang misis.

"Saan po dadalhin ng pasyente ninyo itong 6 grams of sodium na 'yan? Saan? Paki-explain naman. As a result, sobrang taas ng creatinine level niya ngayon. Tingnan n'yo naman, hirap na hirap 'yung tao. Ang ganda-ganda ng lagay nito nitong isang araw," ani Andrew sa kaniyang video.

“Diyos ko, Panginoon, tulungan N'yo po kami. 'Wag n'yo pong pababayaan 'yung asawa ko. Hindi niya po kasalanan ito, negligence itong nangyari sa kaniya ngayon," dasal ni Andrew.

Humingi rin siya ng dasal sa kaniyang followers para sa tuluyang paggaling ni Jho, na dapat sana ay nasa recovery stage na raw.

Matatandaang naisugod sa nai-confine sa Intensive Care Unit o ICU ng St. Luke's Medical Center sa BGC, Taguig ang asawa ni Andrew dahil sa matinding asthma attack, na nagresulta sa atake sa puso at brain hypoxia.

Noong Setyembre 7, 2022, nagsagawa ng Facebook Live si Andrew upang magbigay ng update sa kalagayan ng kaniyang misis. Makikitang kaagad na yumakap ang anak sa kaniyang mommy. Ang misis naman niya, makikitang nais ding yumakap sa anak subalit hindi pa ito makagalaw nang husto.

Isa sa mga pinasalamatan ni Andrew ay ang tulong na ipinagkaloob sa kaniya ng aktor na si Coco Martin.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/08/andrew-schimmer-ibinahagi-ang-madamdaming-tagpo-ng-may-sakit-na-misis-bunsong-anak-sa-ospital/">https://balita.net.ph/2022/09/08/andrew-schimmer-ibinahagi-ang-madamdaming-tagpo-ng-may-sakit-na-misis-bunsong-anak-sa-ospital/

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o opisyal na pahayag ang kampo ng nutritionist o ospital hinggil sa reklamo ni Andrew. Bukas ang Balita Online sa panig nila.