Inanyayahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula nitong Lunes ang mga kabataan na lumahok sa gaganaping One Million Children Praying the Rosary ng Pontifical Foundation - Aid to the Church in Need (ACN) sa Oktubre 18.

Ayon kay Advincula, dapat na pahalagahan ng mananampalataya ang pagdarasal ng santo rosaryo.

Magandang regalo aniya sa Mahal na Ina ang inisyatibo ng ACN lalo't pagbuklurin sa panalangin ng santo rosaryo ang mga kabataan mula sa iba't ibang panig ng daigdig.

"Malugod kong binabati ang lahat ng mga lalahok sa One Million Children Praying the Rosary. Kay halagang regalo sa atin ng ating Mahal na Ina ang santo rosaryo ... Maunawaan nawa natin ang mas malalim na kabuluhan nito," pahayag pa ni Cardinal Advincula sa panayam ng church-run Radio Veritas.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Batid ng arsobispo na sa pamamagitan ng santo rosaryo ay tinuruan ng Mahal na Birhen ang sangkatauhan na maging matiyaga at tapat sa buhay pananalangin.

Nilinaw ng cardinal na bagamat nai-uugnay kay Maria ang pagrorosaryo ito naman ang paraan ng Mahal na Ina na ituon ang tao kay Hesus na nagligtas sa sanlibutan.

Una nang umapela si Pope Francis sa makikilahok sa One Million Children Praying the Rosary na ipanalangin ang natatanging intensyon na mawakasan ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine na nakapipinsala hindi lamang sa mamamayan kundi sa pandaigdigang ekonomiya.

Iginiit din ng Cardinal na sa santo rosaryo ay maaaring idulog ang kahilingan ng kapwa, ng lipunan at simbahan sapagkat ito ay nakatutulong na mapalapit ang tao sa Diyos.

"Kahit kailan at saan ay maaari tayong magdasal ng rosaryo; ang araw-araw na pagsambit nito ay humuhulma sa ating puso para sa Diyos at kapwa ... Nawa’y hindi lamang ito maging laman ng ating bulsa o bag, o nakasabit sa ating leeg at sasakyan," giit ni Cardinal Advincula.

Nabatid na ang One Million Children Praying the Rosary ay gaganapin online sa October 18, sa pangunguna ng ACN Philippines katuwang ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) na mapapanuod sa page ng ACN - Aid to the Church in Need, TV Maria at iba pang social media pages ng mga simbahan.

Inaanyayahan ng ACN ang mga estudyante, paaralan, institusyon at maging ang mga pamilya na makiisa sa pagdarasal ng santo rosaryo sa natatanging intensyon na mawakasan ang karahasan, pandemya at paghilom ng sanlibutan.