Humihiling ng diyalogo sa Philippine National Police (PNP) ang isang broadcast media organization sa bansa kasunod na rin ng kontrobersyal na pagbisita ng mga pulis sa bahay ng mga mamamahayag sa Metro Manila kamakailan.

Sa pahayag ni Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) President Herman Basbaño, isa sa nakikita niyang solusyon sa usapin ay pagkakaroon ng pag-uusap sa pagitan ng PNP at mga miyembro media upang maliwanagan ang lahat.

Alanganin aniya ang pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang mamamahayag kaya dapat na mapag-usapan ito para makabuo ng mekanismo para sa proteksyon ng media.

"Parang alanganin 'yun kasi. Tapos biglaan lang, hindi mo malaman may pupunta sayo, hindi mo naman masigurado kung member ng PNP natin yan.Talaga may coordination, the best talaga ay siguro idaan sa media entity o sa media office, maybe sa broadcast, maybe sa print o online na mga media group na dapat diyan ang coordination ng mga kapulisan natin kung hindi sa opisina sa media organization siguro," sabi nito sa panayam sa telebisyon nitong Lunes.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

"Pero kung may threat talaga of course kailangan talaga na direktang makipag-usap sa member ng media."

Nitong Linggo, humingi ng paumanhin si acting Eastern Police District director Col. Wilson Asueta sa mga mamamahayag na taga-Marikina City dahil sa biglaang pagbisita ng mga pulis sa kani-kanilang bahay.

Depensa nito, nais lang umano nilang masiguro ang kaligtasan ng mga taga-media matapos ang pagpatay kay hard-hitting broadcaster Percival Mabasa o Ka Percy Lapid sa Las Piñas City kamakailan

Nilinaw naman ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ipinatigil na nila ang pagbisita ng mga pulis sa tirahan ng mga miyembro ng media.