Viral ngayon ang Facebook post ng isang netizen na nagngangalang "Shawn Mendoza" matapos niyang ibahagi ang pagtulong nila sa isang matandang lalaking nag-iisa na lamang sa buhay, na narinig nilang humihingi ng saklolo sa sinumang makaririnig sa kaniya.

Ayon sa mahabang post ni Mendoza, Oktubre 10 ng 2:00 ng hapon, habang nakatambay umano silang magkakaibigan sa Katuray St., Barangay 179 sa Amparo, Caloocan City, ay may naulinig silang isang matandang sumisigaw at umaatungal sa sakit. Humihingi umano ito ng softdrinks, at dahil wala raw mapagbilhan nito, ay tubig na lamang ang naibigay nila.

Narito ang buong post ng netizen:

"No'ng una ay gusto pa naming matawa dahil akala namin ay isa lang itong normal na tao at lasing lang. Ngunit nang oras na lumapit kami para iabot ang tubig at para makita na rin siya ng malapitan ay doon na bumungad ang isa sa pinaka nakakalungkot na eksenang pwedeng makita ng dalawa naming mga mata. Sobrang nakakalungkot at nakakabigla. Nakahilata siya sa sahig ng walang saplot pang-ibaba, puno ng mga sugat at nababalot siya sa sarili niyang dumi mula talampakan pataas hanggang sa ulo," aniya.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

"At sa punto ngang iyon, wala talaga kaming ibang nasa isip kundi mga katanungan. Kaya't habang pinapainom namin siya ng tubig ay sinubukan namin siyang kausapin, tanungin sa kung bakit nagkaganoon ang kalagayan niya, kung may may nag-aasikado ba sa kanya, o kung asaan naba ang pamilya niya. At sa mga sandali ngang iyon ay puro lang kami tanong, willing din naman siyang sagutin ang mga tanong namin at eto nga ang mga bagay na nalaman namin tungkol sa kaniya."

"Siya si ARMANDO VILLOTA, 7O+ years old at nagkaroon ng stroke dalawang beses, hiwalay sa asawa't mayroong tatlong anak, isang lalaki at dalawang babae at lahat silang tatlo ay napagtapos niya sa magagandang skwelahan at sa ngayo'y lahat sila'y nasa ibang bansa na. Hindi namin sigurado kung nasa Canada ba lahat ng anak niya, pero ang sigurado kami nasa ibang bansa silang lahat."

"Nakakapagtaka lang na kung lahat ng mga anak niya ay nasa ibang bansa ay bakit gano'n ang kalagayan niya. Sobrang daming tanong ang naglalaro sa isipin ko pagkatapos niyang ikwento ang mga 'yon."

"Hanggang sa nakausap ko nga ang ilan sa kamag anak niya, nasabi nila saakin na matagal na daw nila inilapit sa barangay si tatay Armando para hanapan ito ng paraan, pero wala naman silang napala. Nasabi rin nila saakin na talaga ngang inabandona na siya ng mga anak nito at ipinasa rin nila sa akin ang screenshots habang hinihingan ng tulong financial ang mga anak ni tatay armando, pero ang mga sagot lang nito ay sobrang nakakadurog ng puso't para bang hindi nila ama ang nangangailangan. Hindi ko talaga alam kung ilalabas ko pa yung mga screenshots."

"Matapos nga nang pakikipag-usap ko sa kanila ay napag-desisyonan na nga namin na bago kami magsi-uwi ay kami nalang magkakaibigan ang magpaligo kay tatay, maglinis ng tinutuluyan niyang bahay, at mag-asikaso sa kanya sa pagkain dahil nga sa hinang hina na talaga siya at hindi na kayang gawin yun lahat ng mag-isa."

"At matapos nga 'yon ay tinanong namin siya kung kumusta ang pakiramdam niya at ang sagot niya nga'y 'Para akong nasa alapaap.' Na'ng marinig nga namin 'yon ay kahit paano ay medyo nabuhayan kaming lima."

"At bago nga kami magsi-uwi ay sinigurado naming malinis na: lahat at nakakain na siya at dumating na nga ang oras nagpaalam kami kay tatay ng may mga ngiti sa muka baon ang pasasalamat na binigay niya sa amin."

"Sa mga gusto pong magbigay tulong kay tatay Armando, ay maiging i-contact lang ako o ang mga kaibigan ko na naka-tag. Maraming Salamat!"

Sa naturang post ay nagbigay rin ng update ang netizen sa kasalukuyang kalagayan ngayon ng matanda.

Samantala, bukas naman ang Balita Online sa panig ng mga anak ni Tatay Armando, na sinasabing nang-iwan sa kaniya.