Kinakailangan magsuot ng face mask ang mga dadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery sa Undas.

Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Linggo na dahil sa dami ng taong inaasahang magtutungo sa mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, ay hindi sapat angphysical distancing para masigurong hindi magkakaroon ng hawahan ng COVID-19.

Ayon kay Lacuna, kahit na open space ang sementeryo, ay kailangan pa ring obserbahan ang pagsusuot ng face mask at pagkakaroon ng proper social distancing, para na rin sa kapakanan at proteksiyon ng lahat.

“Since hindi maiiwasan ang pagdagsa ng dadalaw, ipatutupad ang pagsuot ng facemask sa loob ng sementeryo kahit na open space,” aniya pa.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nanawagan rin naman si Lacuna sa mga residente, na hindi pa bakunado, na gamitin ang naturang okasyon bilang isang oportunidad upang makapagpabakuna na laban sa COVID-19.

Maaari aniya silang mag-avail ng libreng COVID-19 vaccine sa anim na public hospitals sa lungsod, gayundin sa mga health centers.

“Kung gusto ninyong dumalaw sa inyong mga namayapang mahal sa buhay, eto na po ang pagkakataon.Magpabakuna na kayo para makadalaw naman kayo nang walang alalahanin,” aniya pa.

Paglilinaw ni Lacuna, ang pagtungo sa sementeryo ay hindi limitado lamang sa mga taong bakunado na sa COVID-19, maliban na lamang kung sila ay batang 12-anyos pababa at hindi pa natuturukan ng bakuna.

Gayunman, hinikayat ng alkalde ang mga may comorbidities at hindi bakunado, na iwasan na lamang na magpunta sa sementeryo sa mga nasabing araw kung kailan inaasahang dadagsa ang mga tao.

Nabatid mula kay Manila North Cemetery Director Yayay Castaneda na inaasahang aabot sa halos isang milyon ang bibisita sa MNC sa Undas.