Pinalagan ng ilang mga mamamahayag ang ginawa ng ilang pulis na pagbisita sa kanilang mga tahanan, kasunod na rin nang naganap na pananambang at pagpatay sa beteranong brodkaster na si Percy Lapid sa Las Piñas City kamakailan.

Kaugnay nito, dumepensa naman ang pamunuan ng Eastern Police District (EPD), na siyang nakakasakop sa Marikina, Pasig, Mandaluyong, at San Juan, at nilinaw na ang kanilang ginawa ay pagpapakita lamang ng magandang intensiyon at tunay na malasakit sa mga mamamahayag.

Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ng EPD, na nasa ilalim ng pamumuno ni acting Director PCOL Wilson Asueta, na palagi nilang itinataguyod ang pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko, sa pamamagitan nang pagpapatupad ng mandato nito na paglingkuran at protektahan ang mga mamamayan nang walang takot o pabor.

“The actions made by Marikina City Police Station personnel, wherein they politely visited the residenceof Media Journalists residing in their AOR (area of responsibility) and humbly discussed their noble intentions to know and determine their security concerns,was meant no harm to the latter but a manifestation of good intention and genuine concerns to our Media Friends to ensure their safety and security, after the recent shooting incident involving media personality,” paglilinaw pa ng EPD.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

“The EPD wanted to protect the Media Personalities and guarantee Freedom of the Press within Metro East and has no intentions to offend or dig into their privacy but only to show commitment in our sworn duties and responsibilities to SERVE and PROTECT,” dagdag pa nito.

Nauna rito, nagpahayag ng pagkaalarma ang ilang media practitioner sa ginawa ng mga nakasibilyang pulis, na bumisita sa kanilang tahanan nang walang pasabi.

Kabilang na rito si JP Soriano ng GMA-7, na nagbahagi ng kanyang karanasan sa kanyang Twitter account nitong Sabado.

Ayon kay Soriano, isang pulis na nakasibilyan lamang ang nagpunta sa kanyang bahay at sinabing nais lamang nitong i-check ang kanyang security.

Ipinaliwanag ni Soriano na na-appreciate naman niya ang intensiyon ng pulis ngunit kinuwestiyon kung bakit kailangang dalawin siya nito sa kanyang bahay at kinuhanan pa siya ng larawan.

“Linawin ko lang po na hindi ang intensyong tulungan at proteksyunan kami ng PNP ang naging issue for me, That is something na ma-Appreciate ko personally, Pero Bakit po sa bahay namin? Paano at saan nila nalaman ang aming home address? at bakit kailangan ako kuhanan? What for?” tweet pa ni Soriano.

Maging ang radio commentator na si David Oro ay dinalaw rin mano ng dalawang pulis, na naka-sibilyan at lulan ng unmarked vehicle sa kanyang tahanan sa Quezon City.

Nagkataon naman umanong wala si Oro sa kanyang bahay kaya’t ang kanyang katulong ang nakausap ng mga pulis.

Tinanong umano ng mga pulis ang katulong kung anong oras siya umuuwi nang hindi man lamang ibinigay ang kanilang mga pangalan at contact numbers.

Mariin na rin namang kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang naturang isinagawang home visits ng mga pulis.

Ayon sa NUJP, makakadagdag lamang sa anxiety o pagkabalisa ng mga mamamahayag ang ginawa ng mga pulis dahil ginawa ito ng walang koordinasyon sa newsrooms.

“Assuming good faith, these meetings and dialogues are best done through newsrooms or through the various press corps, press clubs, and journalists’ organizations in the capital,” dagdag pa ng NUJP.

Una na rin namang humingi ng paumanhi si National Capital Region Police Office (NCRPO)chief PBGENJonnel Estomo dahil sa insidente at inatasan ang lahat ng mga hepe ng pulisya na itigil na ang naturang home visits.

Tiniyak na rin naman umano ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na kaagad niyang paiimbestigahan ang naturang isyu.