Inilikas ang halos 1,000 residente sa Northern Luzon bunsod ng paghagupit ng bagyong Neneng, ayon sa pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo.

Sinabi ng NDRRMC, ang mga evacuee ay mula sa Region 2 kung saan 350 sa nasabing bilang ay nananatili sa 15 na evacuation center.

Sa paunang ulat ng ahensya, nasa 5,357 katao mula sa Cagayan ang apektado ng bagyo.

Naiulat din na malaking bahagi ng lalawigan ang binaha, bukod pa sa pagkawala ng suplay ng kuryente na dulot ng bagyo.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Sa isang social media post, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nakahanda na ang tulogn ng pamahalaan sa mga nasalanta ng bagyo.

"Nevertheless, to the provinces in the North that have felt the effects, help is on the way. We encourage everyone to follow the directives of your LGUs and MDRRMCs," ayon sa kanyang post sa Twitter account.

Nauna nang isinapubliko ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nasa Signal No. 3 pa rin ang Batanes (kabilang ang Basco, Mahatao, Uyugan, Ivana at Sabtang), at Babuyan Islands.

Nasa Signal No.3 naman ang natitirang bahagi Batanes, natitirang bahagi ng Cagayan, Apayao, northern portion ng Abra (Tineg, Lacub at Lagayan), at Ilocos Norte.

Isinailalim naman sa Signal No. 1 ang northern at central portion ng Isabela (Santa Maria, San Pablo, Maconacon, Divilacan, Palanan, Ilagan City, Tumauini, Cabagan, Santo Tomas, Quezon, Delfin Albano, Mallig, Quirino, Gamu, Roxas, San Mariano, Benito Soliven, Naguilian, Burgos, Reina Mercedes, San Manuel, Aurora, Luna, Cabatuan, San Mateo, Dinapigue, at City of Cauayan), Kalinga, natitirang bahagi ng Abra, Mountain Province, northern portion ng Ifugao (Aguinaldo, Alfonso Lista, Mayoyao, Hungduan, Banaue), at northern portion ng Ilocos Sur (Sinait, Cabugao, San Juan, Magsingal, Santo Domingo, San Ildefonso, San Vicente, Santa Catalina, Bantay, City of Vigan, Santa, Caoayan, Narvacan, Nagbukel, Santa Maria, San Esteban, Santiago, Burgos, Banayoyo, Lidlidda, San Emilio, Quirino, Gregorio del Pilar, Galimuyod, City of Candon, Santa Lucia, Salcedo, Cervantes, Suyo, Sigay, at Santa Cruz).

Huling namataan ang bagyo 115 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Calayan, Cagayan, taglay ang hanging 100 kilometer per hour (kph) at bugso na 125 kph.

Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 kph. Inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo sa Linggo ng gabi.