Ipinag-utos ni Mayor Honey Lacuna ang isang seryoso at masinsinang pag-rebyu at pag-update sa master list ng mga senior citizens sa Maynila.

Nabatid nitong Sabado Oktubre 15, na ang naturang direktiba ay ibinigay ng alkalde kay Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) chief Elinor Jacinto, matapos na makatanggap ng ulat na may mga kasama sa listahan na hindi na nakatira sa Maynila.

Nais din umano ng alkalde na i-update ang naturang listahan matapos na makatanggap ng ulat na may mga senior citizens na doble ang pangalan sa listahan, o rehistrado sa dalawa o higit pang barangay.

Ayon kay Lacuna, ito rin ang dahilan kung bakit nirerequire ng OSCA ang personal appearance ng mga senior citizens sa pagkuha ng kanilang monthly financial aid na ipinamimigay ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Metro

Tricycle driver, pinagtulungang patayin ng mga kapitbahay?

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Lacuna na ang mga inactive ang status dahil sa hindi kumpleto ang kanilang detalye ay aasistihan ng pamahalaang lungsod.

Sa katunayan, sinabi ni Lacuna na maraming mga senior citizens ang humingi ng tulong sa tanggapan ng OSCA para mag-fill out ng mga kailangang detalye para sila ay mapabilang sa listahan ng mga tatanggap ng monthly cash assistance na ibinibigay ng lokal na pamahalaan.

Nagtalaga na rin si Lacuna ng mga kawani upang siyang tumulong sa mga seniors sa ganitong aspeto.

Paliwanag niya, hindi lahat ng mga seniors, lalo na yung mga mahihirap at solong namumuhay, ay mayroong access sa computers o may kaalaman sa computers.

“Madami na ang nagtungo at natugunan naman ang kanilang problema tungkol sa master list.May mga pinagagamit tayong laptops or computers para malutas kaagad ang mga ganyang problema,” ayon pa kay Lacuna.

“Kapag pananalapi kasi, maingat po kami, kaya ibinababa namin sa mga barangay para walang dahilan na di nila makuha. Kasi, nakikita namin sa listahan ipagpaumanhin ninyo, may mga pagkakataong di na taga-Maynila,” dagdag pa ng alkalde.

Paniniguro pa niya, kapag nasa master list ang isang senior citizen ay walang dahilan upang hindi nito matanggap ang kanyang allowance sakaling ito ay available na sa kani-kanilang barangay.