Hinihikayat ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na personal nang magtungo sa mga simbahan upang dumalo ng mga banal na misa tuwing araw ng Linggo.

Batay sa Circular No. 22-36, na inilabas ng CBCP nitong Biyernes, sinabi ni CBCP president at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na humina na ang pandemya ng COVID-19 at isinailalim na ng mga health authorities ang bansa sa mas maluwag na health protocols.

Malaya na rin aniyang nakakagalaw ang mga mamamayan at balik na rin sila sa normal na pamumuhay at negosyo.

Dahil dito, maaari na rin aniyang magtungo ang mga ito sa mga simbahan upang pisikal nang dumalo sa mga banal na misa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“With gratitude to God, the pandemic has weakened, and our official health experts have placed the country into more relaxed health protocols. This has made our people move freely and return to their normal life and business with ease, but still following some basic health protocols,” ani David.

“These circumstances permit and oblige us to return to the normality of Christian life, which has the Church building as its home of the celebration of the liturgy, especially the Eucharist,” aniya pa.

Anang CBCP president, bagamat ang online availability at attendance sa Liturgical at Eucharistic celebrations ay naging ‘valued service’ sa mga may sakit at mga hindi personal na makapunta sa simbahan, hindi pa rin aniya maaaring ikumpara o palitan ng broadcast, ang personal na pakikiisa sa pagdiriwang ng banal na misa.

Hinikayat rin naman niya ang mga miyembro ng mga diyosesis na tiyakin na ang lahat ng health protocols ay nananatiling mahigpit na naipatutupad upang mabigyan ng kasiguruhan ang mga parishioner na sila ay ligtas sa loob ng mga simbahan.

Matatandaang simula noong Marso 2020, sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at paghihigpit ng pamahalaan, ay naglabas ng circular ang CBCP na hindi na muna papayagan ang mga mananampalataya na magtungo sa mga simbahan upang dumalo sa banal na misa para na rin sa kaligtasan ng mga ito.

Gayunman, nagdaos ang mga pari ng mga online masses upang makadalo pa rin ng Liturgical at Eucharistic celebrations ang mga mananampalataya sa kani-kanilang mga tahanan.