Sinampahan na ng kasong murder ang isang opisyal ng Manila Police District (MPD) matapos nitong barilin ang isang traffic enforcer na napagkamalang umano nitong carnapper sa Quezon City nitong Huwebes.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Nicolas Torre III, nai-file na sa piskalya ang  kasong murder nitong Huwebes ng gabi laban sa suspek na si Lt. Felixberto Rapana Tiquil, nakatalaga sa MPD-Anti-Carnapping Unit.

“Wala akong nakitang justification para gamitan ng baril at patayin 'yung tao o sugatan lang," banggit ng opisyal at sinabing hindi sumunod si Tiquil si police operational procedures sa paggamit ng baril.

Nag-ugat ang kaso nang barilin ni Tiquil si Edgar Follero, miyembro ng QC-Department of Public Order and Safety (DPOS) na ikinasawi nito sa harap ng Muñoz Market sa Barangay Veterans Village, Proj. 7, Quezon City nitong Oktubre 13.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Bago ang insidente, tinutulungan ng biktima ang kaibigang delivery rider na si Paul Timothy delos Reyes, 26, matapos masiraan ang motorsiklo nito sa West Zamora St., Pandacan, Maynila nitong Huwebes ng madaling araw.

Lingid sa kaalaman nina Follero at delos Reyes, sinusundan na sila ni Tiquil matapos maghinala na nakaw ang dala nilang motorsiklo.

Pagdating sa Roosevelt Avenue sa harap ng nasabing pamilihan, bigla na lang umanong binaril ni Tiquil si Follero na dead on arrival sa ospital dahil sa tama ng bala sa dibdib at braso.

Nasa kustodiya pa rin ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal sa Quezon City si Tiquil.

Panawagan naman ng pamilya ni Follero, sana mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng biktima.