Puspusan na ang pagkilos ng Manila International Airport Authority (MIAA) upang tukuyin ang hindi pa kilalang taxi driver na nag-overcharge sa K-pop group SEVENTEEN lead singer na si Joshua Hong.
Matatandaan kasi na sa isang live stream kamakailan kasama ang kanyang mga kapwa miyembro ng SEVENTEEN, naalala ni Joshua na ang isang taxi driver na pinanggalingan nila ng kanyang ina mula sa airport ay naniningil sa kanila ng humigit-kumulang PHP1,000.
Kalaunan ay nalaman niyang tatlong beses na mas mataas ang ibinayad niya kaysa sa kanyang aktwal na pamasahe.
"Manila is not a bad place to travel and that things could go wrong on unplanned trips," paglilinaw naman ng K-Pop star.
Ayon sa MIAA, alam nila ang ulat at sinabing aarestuhin nila ang umanong mapang-abusong taxi driver na bumibiktima sa mga inosenteng sibilyan sa pamamagitan ng labis na paniningil ng pamasahe.
Nauna rito, kinondena ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang iligal na pagsasagawa ng sobrang singil sa mga pasahero.
"Mariing kinokondena ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pang-aabuso ng mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa labis na paniningil ng pamasahe sa kanilang mga pasahero," pahayag ng LTFRB.
Pinaalalahanan naman ng LTFRB ang mga driver at operator ng public utility vehicle na maaari silang pagmultahin at maaaring bawiin ang kanilang certificate of public convenience dahil sa sobrang singil sa mga pasahero.
Hinikayat din ng ahensya ang publiko na iulat ang anumang hindi kanais-nais na insidente sa opisyal nitong hotline, social media pages, o e-mail address.
Kailanman ay hindi katanggap-tanggap sa LTFRB ang ganitong panloloko ng mga PUV drivers sa kanilang mga pasahero-lokal man o dayuhan. Pinapaalala ng LTFRB sa mga PUV driver at operator na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensya upang mapabuti ang pagseserbisyo sa publiko."