Apat na lugar sa northern Luzon ang isinailalim sa Signal No. 1 dahil na rin sa bagyong Neneng, ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Apektado ng bagyo ang Batanes, Cagayan (kabilang na ang Babuyan Islands), eastern portion ng Apayao (Luna, Santa Marcela, Flora, Pudtol), at northern portion Isabela (Santa Maria, San Pablo, Maconacon).
Sa abiso ng PAGASA, asahan na ang hanging mula 39 hanggang 61 kilometer per hour (kph) sa susunod na 36 oras.
Huling namataan ang bagyo 795 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan taglay ang hanging 55 kph at bugso nito na hanggang 70 kph.
Sa pagtaya ng PAGASA, lalakas pa nang husto ang bagyo sa Sabado ng gabi o Linggo ng madaling araw.
Inaasahang tatama ang bagyo sa Batanes o Babuyan Islands sa Linggo ng umaga.
Nagbabala rin ang PAGASA sa inaasahang matinding pag-ulan sa Sabado ng umaga sa Batanes, Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, at Ilocos Norte.
Makararanas naman ng katamtaman hanggang matinding pag-ulan sa Isabela at sa nalalabing bahagi ng Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.
Inalerto na rin ang mga residente dahil sa inaasahang flash flood at landslide.
Inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo sa Lunes, ayon pa sa PAGASA.