Paiilawan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan, nabatid nitong Huwebes, Oktubre 13.
Ang anunsiyo ay ginawa ni Lacuna sa lingguhang “Kalinga sa Maynila” forum nang matanong kung kailan paiilawan ang kahabaan ng A.H. Lacson Avenue, na isang pangunahing kalye sa Sampaloc.
Tiniyak naman ni Lacuna sa nasabing residente na ang pagpapailaw sa nasabing lugar ay magsisimula na sa mga susunod na araw.
Ayon sa alkalde, inatasan na niya si City Electrician Randy Sadac na simulan na ang nasabing proyekto sa mas lalong madaling panahon.
Sinabi pa ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila na mayroon ng pondo para sa nasabing pagpapailaw ng lugar.
“Sisimulan na po at may nakalaan na diyan na pondo kaya sisimulan na po ng electrician’s office,” sabi ni Lacuna.
Umapela din ang alkalde sa mga residente na impormahan ang kanyang administrasyon sa mga lugar na madidilim at kailangan pang pailawan.
Naniniwala ang alkalde na ang kadiliman ng isang lugar ay kakampi ng mga masasamang elemento ng kriminalidad, kaya naman binigyang direktiba na niya si Sadac na pailawan ang mga kalsada.
Idinagdag pa niya na ang mga motorista, commuters at pedestrians ay makikinabang din at mapoproteksyunan nang isang maliwanag na kalye at daan.