Magandang balita dahil patuloy na bumabagal ang hawahan at pagbaba ng positivity rate ng Covid-19 sa National Capital Region (NCR).

Batay sa datos ng independiyenteng OCTA Research Group na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Miyerkules, nabatid na bumagal pa ang hawahan ng Covid-19 sa NCR.

Ayon kay David, ang reproduction number ng Covid-19 sa NCR ay bumaba pa sa 0.93 sa ngayon.

Mula aniya ito sa dating 0.99 na naitala noong Oktubre 6.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente.

Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng mabagal na transmisyon o hawahan ng virus.

Samantala, iniulat rin ni David na ang seven-day Covid-19 positivity rate sa NCR ay bumaba pa sa 17.3% na lamang hanggang noong Oktubre 10, mula sa 19% na naitala noong Oktubre 3.

Ang positivity rate ay tumutukoy naman sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa Covid-19, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.

Dagdag pa ni David, ang one-week growth rate sa rehiyon ay nasa -16% na lamang habang ang healthcare utilization rate (HCUR) para sa COVID-19 patients ay nasa low pa rin sa 37%.

Kaugnay nito, nagpahayag naman si David ng pag-asa na magpapatuloy ang naitatalang downward trend ng virus cases sa pagtatapos ng taong ito.

“Let’s hope the downward trend continues the rest of the year,” aniya pa.