Umabot na sa mahigit isang milyong estudyante ang nakinabang sa Libreng Sakay program ng Light Rail Transit Line 2(LRT-2).

Sa isang public briefing nitong Miyerkules, iniulat ni Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Hernando Cabrera na umaabot sa 30,000 estudyante ang napagsisilbihan ng LRT-2 araw-araw.

Ayon kay Cabrera, nitong Martes lamang ay nakapagtala sila ng 38,000 estudyante na sumakay sa LRT-2, na pinakamataas na daily student ridership na kanilang naitala simula noong Agosto.

“As of yesterday, meron na tayong nabigay na libreng sakay para sa ating estudyante na 992,000. But on the daily average, meron tayong around 30,000 every day na libreng sakay para sa ating estudyante…Kapag kinombine natin ‘yung yesterday at ngayon araw, umabot na tayo sa one million mark natin,” pahayag pa ni Cabrera.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Aniya pa, ipapatupad ng LRT-2 ang libreng sakay para sa mga estudyante hanggang sa Nobyembre 5, alinsunod na rin sa kautusan ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr..

Pagsapit aniya ng Nobyembre 6, ipagpapatuloy naman nila ang pagbibigay ng 20% student fare discount.

Hinggil naman sa posibilidad na mapalawig o ma-extend pa ang programa, sinabi ni Cabrera na wala pang rekomendasyon hinggil dito.

Tiniyak din niya na handa silang magpatupad ng ekstensyon ng libreng sakay kung aatasan silang muli na gawin ito.

“So far, wala pa tayong natatanggap na abiso o any instructions para sa kanyang extension. Hinihintay natin ‘yan, but ready tayo. Just anytime sabihin lang nila na i-extend ‘yan, ready tayo to implement that,” aniya pa.

Matatandaang Agosto 22, na siyang unang araw ng face-to-face classes para sa School Year 2022-2023, nang simulan ng LRT-2 ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga estudyante.

Upang makapag-avail ng libreng sakay, kailangan lamang ng mga estudyante na magprisinta ng aktuwal na school ID at orihinal na enrollment form sa passenger assistance booth upang makakuha ng single journey ticket.

Hindi naman sakop ng programa ang mga nasa graduate school at ang mga guardian ng mga estudyante.