Nakiisa na rin ang Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Pinas Lakas Campaign ng pamahalaan.
Nabatid na naglaan ang LRTA, sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross-Marikina Chapter, ng tatlong araw upang mabakunahan ng 1st at 2nd booster dose ng bakuna kontra Covid-19 ang kanilang mga empleyado, kabilang ang mga security guards at mga utility personnel nito.
Sakop din ng naturang Booster Pinas Lakas Covid-19 ang mga pamilya ng mga kawani ng LRTA.
Sa abiso ng LRTA, nabatid na sinimulan ang pagkakaloob ng booster shots sa frontliners ng LRT-2 nitong Martes, Oktubre 2, sa LRT- 2 Depot, Santolan, Pasig City.
Magtatagal anila ang pagbababakuna ng booster sa mga empleyado hanggang ngayong Huwebes, Oktubre 13, 2022 mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Ayon sa LRTA, layunin ng tatlong araw na vaccination activity na suportahan ang PinasLakas Campaign ng pamahalaan at upang matiyak ang proteksyon ng mga kawani ng LRTA laban sa virus, gayundin ng kanilang mga pasahero.
Ang LRT-2 ang siyang nag-uugnay sa Recto Avenue sa Maynila at Antipolo City.