Nakatakdang resolbahin ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) sa Huwebes, Oktubre 13, ang petition for bail na inihirit ng kampo ng komedyante at television host na si Vhong Navarro kaugnay ng kinakaharap na kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo.
Sa isang panayam, nilinaw ng bagong legal counsel ni Navarro na si Atty.Marie Glen Abraham Garduque, maghaharap ng ebidensya ang prosecution panel upang patunayang matibay ang kaso laban sa kanyang kliyente.
Dapat aniyang patunayan ng prosekusyon sa hukuman na malakas ang kaso laban kay Navarro at sakaling mabigo ang mga ito, puwede na umanong magpiyansa ni Navarro.
Sa ilalim ng batas, ang kasong rape ay non-bailable offense at maaari lang makapagpiyansa ang akusado kung mahina ang ebidensya.
Nitong Martes, nabigo si Navarro na magpasok ng plea matapos basahan ng sakdal kaya ang hukuman na lamang ang nagpasok ng "not guilty plea." Hindi dumalo nang personal si Navarro sa nasabing arraignment at sa halip ay idinaan niya ito sa videoconferencing.
Hindi rin sumipot sa hukuman si Cornejo at abogado lang nito ang dumating.
Nauna nang idinahilan ng kampo ni Navarro na hinihintay pa nila ang ruling ng korte sa kanilang mosyon laban sa desisyon ng hukuman na na nag-uutos na ilipat na ito sa Taguig City jail.
Nakapiit pa rin sa National Bureau of Investigation si Navarro mula nang sumuko nitong Setyembre 19 dahil sa kasong rape at acts of lasciviousness.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ni Cornejo na ginahasa umano nito sa loob ng kanyang condo unit sa Bonifacio Global City sa Taguig noong Enero 17, 2014. Itinanggi Navarro ang alegasyon.