Nakatanggap ng mga ulat ang Balita Online na ilang propesor sa isang local university sa lungsod ng Malabon ang hindi pa umano nakakatanggap ng kani-kanilang sahod simula pa noong buwan ng Hunyo.
Maraming propesor ng City of Malabon University (CMU) ang dumadaing sa halos tatlong buwang hindi pagpapasahod sa kanila.
Ayon sa isang part-time professor na pinili nang huwag magpakilala, halos tatlong buwan na siyang hindi nakakasahod, kasama ang huling dalawang linggo ng taong pampaaralang 2021-2022.
Kung titingnan ang academic calendar ng CMU, nakatakda ang midterm examination sa petsang Setyembre 26 hanggang Oktubre 1, ngunit natapos na lamang ang midterms, ni piso ay hindi pa rin nila natatanggap.
Para sa mga part-time professor na may kaunting academic loads lang, umaabot lamang sa P3,000 hanggang P5,000 kada buwan.
Ngunit hindi lamang part-time professors ang hindi pa nakatatanggap ng kani-kanilang sahod dahil maging ang mga full-time na guro rin.
Isang propesor din ang naglabas ng pahayag hinggil sa isyu. Aniya, apat na cut-off na ang delayed na sahod, na magiging lima na kung sakaling hindi pa rin nila matatanggap ang kanilang bayad sa darating na Oktubre 15.
Ang inaasahan niyang sahod kada buwan ay nasa P10,000 hanggang P12,000.
Hindi rin nagkulang ang mga kaguruan sa pagtawag sa atensyon ng mga nakakataas sa kanila ngunit hindi sila sinasagot umano ng mga ito.
Sinubukan ng mga propesor na i-reach out ang university admin sa pamamagitan ng kanilang group chats. Noong una, transition ng bagong mayor ang idinadahilan sa kanila ngunit ngayon ay hindi na sila sinasagot ng mga ito.
"Always [naming nire-reach out ang admin]. Lalo na sa mga group chats namin. Nung una dinadahilan nila na bago kasi ang mayor so nag-a-adjust pa but in process na. Ngayon hindi na nila kami sinasagot at all," dismayadong pahayag ng isang propesor.
Tulad ng ibang empleyado, daily time record (DTR) lamang ang kailangang i-comply ng mga professor ng CMU upang makasahod.
Inaasahan na rin na matatapos na ang unang semestre sa darating na ilang linggo kaya naman dismayado ang mga kaguruan sa delayed na pasahod.
Umaasa rin sila na sasagutin ng mga namamalakad ng CMU ang isyu na ito.
"We just hope that the management of CMU release a final and clear statement. We are doing our best to comply. We are doing our part as instructor since we signed contract with the school, yet the management is not doing their job to keep us updated. Its very unfortunate for the faculty whether its small amount of salary or not," ani ng isang propesor.
Nitong Martes, Oktubre 11, sinubukang ng Balita Online na hingin ang panig CMU at lokal na pamahalaan ng Malabon hinggil sa isyu ngunit wala pang tugon ang awtoridad dito.