Tiniyak ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na masusi nilang sisiyasatin ang hinihinalang kaso ng food poisoning sa isang pampublikong paaralan sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Matatandaang nitong Lunes ay nasa 97 katao, na karamihan ay mga estudyante at mga guro ng San Francisco Elementary School, ang isinugod sa pagamutan matapos na makakain ng lumpia sa isang tindera ng pagkain.
Hanggang nitong Martes ng umaga naman, nasa 31 pa umano sa mga pasyente ang nananatili sa mga pagamutan.
Kaugnay nito, siniguro naman ni DepEd spokesperson Michael Poa na kaagad nilang iimbestigahan ang insidente.
“Maglulunsad din po tayo ng investigation sa nangyari na iyan,” ayon kay Poa sa isang pulong balitaan.
Ipinaliwanag pa niya na sa ilalim ng isang 2007 department order, ang mga tindero sa labas ng mga paaralan ay pinagbabawalang magdala ng pagkain sa loob ng paaralan at ng kantina nito.
Layunin aniya nitong matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga bata.
“Kasi nga po gusto nating siguraduhin iyong kaligtasan at kalusugan ng mga bata sa schools kaya doon sa mga school canteens lang po dapat. Kaya kailangan mayroon din silang sanitary permits and relevant health permits galing sa mga LGU (local government unit),” aniya pa.
Kaugnay nito, pinasalamatan rin ni Poa ang lokal na pamahalaan dahil sa pagsagot sa gastusin sa pagamutan ng mga nagkasakit, gayundin ang mga district nurses na kaagad na rumesponde sa insidente.
Nakatakda na ring kapanayamin ng mga health officials ang mga estudyante at mga gurong nakakain ng lumpia.