Plano ng Manila City Government na buhayin ang blood banks sa dalawang major district hospitals ng lungsod.

Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna ang naturang plano nang dumalo sa 35th Chapter Biennial Assembly ng Philippine Red Cross Manila Chapter na idinaos sa Manila Hotel nitong weekend, kung saan nagpaabot siya nang pasasalamat sa bagong pamunuan ng Manila Red Cross dahil sa pagkakatalaga sa kanya bilang honorary chairman.

Kasama niyang dumalo sa naturang okasyon sina newly-elected board directors City administrator Bernie Ang, first district Congressman Ernix Dionisio at Councilor Mon Yupangco.

Sa kanyang talumpati, tinukoy ni Lacuna sina Gov. Andrew Nocon ng Philippine Red Cross, Cong. Amado Bagatsing na Chairman of the Board ng Manila Red Cross at PRC-Manila Chapter assembly chairperson Dr. Magdalena Lim, at sinabing, “Isang karangalan na maging kaisa at katuwang ninyo sa pagsasakatuparan ng mga programa at proyektong nagsusulong sa adbokasiya ng krus na pula.”

Metro

Tricycle driver, pinagtulungang patayin ng mga kapitbahay?

Binanggit rin niya ang malaking tulong na naipagkakaloob ng Red Cross partikular na sa mga taong nangangailangan ng dugo.

Tiniyak naman ng alkalde na ang pamahalaang lungsod, katuwang ang isang non-government organization, ay magsisikap na maitaguyod at gawing aktibo ang blood bank sa Ospital ng Maynila at ang itatayong blood bank sa Sta. Ana Hospital.

“Kami naman sa pamahalaang lungsod ng Maynila ay patuloy sa pagsisikap na maitaguyod at gawing aktibo ang blood bank sa Ospital ng Maynila at gayundin ang itatayong blood bank sa Sta. Ana Hospital sa tulong ng isang non-government organization,” dagdag pa niya.                                              

Pinuri rin ng alkalde ang kahandaan at kakayahan ng Red Cross na magsagawa ng rescue at retrieval operations, emergency assistance at disaster relief sa panahon ng kalamidad at emergencies.

“Hangad ko ang pagpapatuloy ng pag-anyaya at pagtuklas ng mga bagong kasapi at mga bagong lider na may layuning maging Red Cross volunteer. Patuloy tayong makapaghikayat ng mga taong makapagbibigay ng kanilang oras, talento, kakayahan, lakas at kabuhayan upang maisulong ang dakilang misyon ng krus na pula. Sa bolunterismo higit na magiging makulay at makahulugan ang buhay,” aniya pa.

Sinabi ng alkalde na ang Red Cross ay katuwang ng lahat ng lokal na pamahalaan pagdating sa pagkakaloob ng de kalidad na serbisyo tungo sa pagprotekta at pagliligtas ng buhay at pagbabalik ng dignidad ng mga taong nangangailangan.

“Ang kusang loob at bukas palad na paglalaan ng panahon sa paglilingkod, sa hangaring makatulong sa ibang tao, lalo na sa mga panahong sila’y nahihirapan at nawawalan ng pag-asa. Maraming pagkakataon nyo nang ipinakita ang kadakilaan ng inyong pagmamalasakit sa ating mga kababayan,” aniya pa.

“’Yung pagsasakripisyo natin sa paggawa ng mabuti ay tiyak na masusuklian din. Sabi nga ni Saint Mother Teresa of Calcutta, “charity isn't about pity, it’s about love.” Ito ang nababanaagan ko sa bawat isa sa inyo--puno ng kasiglahan at kasiyahan na maging bahagi ng Red Cross,” dagdag pa niya.