Hinikayat ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko nitong Lunes na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlet sa kanilang lugar at tumaya sa kanilang lotto games dahil inaasahang magsisitaasan pa ang jackpot prizes na maaari nilang mapanalunan.
Batay sa jackpot estimates ng PCSO, nabatid na aabot na sa₱143 milyon ang jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na bobolahin ngayong Martes ng gabi, Oktubre 11.
Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, walang nakahula sa six-digit winning combination ng SuperLotto 6/49 na 40-03-16-01-35-15na binola nitong Linggo ng gabi kaya’t walang nakapag-uwi sa katumbas nitong jackpot prize na₱138,372,723.60.
Mayroon naman aniyang 18 mananaya na muntik nang maging milyonaryo matapos na makahula ng tig-limang tamang numero. Sila ay nakapag-uwi ng tig-₱50,000 second prize.
Samantala, ang jackpot prize naman ng UltraLotto 6/58 na bobolahin din ngayong Martes ng gabi ay inaasahang papalo na sa₱122 milyon.
Wala rin kasing nakahula sa six-digit winning combination nito na 24-01-25-09-39-47 na binola nitong Linggo ng gabi kaya’t hindi rin naiuwi ang katumbas nitong jackpot prize na₱117,756,717.20.
Mayroon namang tatlong mananaya ang nakapag-uwi ng tig-₱120,000 na second prize para sa nahulaang tig-limang tamang numero.
Ayon kay Robles, bobolahin rin ngayong Martes ang Lotto 6/42 na may jackpot prize naman na₱5.9 milyon.
Una nang sinabi ni Robles na walang talo ang mga mamamayan sa pagtaya sa lotto dahil hindi man maging instant milyonaryo ay tiyak namang makakatulong sila sa mga kababayan nating nangangailangan.
Ang SuperLotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo habang ang UltraLotto 6/58 ay tuwing Martes, Biyernes at Linggo naman.
Ang draw naman ng Lotto 6/42 ay tuwing Martes, Huwebes at Sabado.