Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief General Rodolfo Azurin na napatay ang tatlong detainee nang tumangkang tumakas kasunod na rin ng pananaksak sa isang pulis at pang-ho-hostage kay dating Senator Leila de Lima sa loob ng custodial center sa Camp Crame, nitong Linggo ng umaga.
Aniya, ang mga tauhan ng Special Action Forces (SAF) ang nagresponde sa insidente at bumaril sa tatlong inmate na sinaArnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao. Jr..
Nagtangka umanong tumakas ang tatlo matapos nilang saksakin ang isang pulis na nagrarasyon ng pagkain sa mga inmate sa loob ng detention facility kung saan nakakulong si De Lima.
Paliwanag ni Azurin na habang tumatakas ang tatlo ay isa sa mga ay tumakbo kay De Lima at hinostage ito.
"Nag-warning 'yung isang pulis natin... Nung hindi masawata 'yung tatlo, binaril niya 'yung dalawa. 'Yung isa ay tumakbo dun sa selda ni Sen. de Lima at hinostage si Sen. de Lima," paglalahad ni Azurin sa isang television interview.
"And then, nagresponde nang mabilis 'yung ating kapulisan. They were able to secure, and safe naman po na si Sen. de Lima. So namatay 'yung tatlong preso na nagtangkang tumakas," aniya.
Pagkatapos ng insidente, agad na isinugod sa ospital ang pulis na huling naiulat na nasa malubhang kalagayan.
Dinala rin si De Lima sa PNP Health Service upang sumailalim sa medical check-up.
Iniutos na ng opisyal na pag-aralan muli ang ipinaiiral na security protocol sa loob ng PNP Custodial Center upang hindi na maulit ang insidente.