Nanawagan si Senador Robin Padilla nitong Linggo, Oktubre 9 sa Philippine National Police (PNP) na turuan ang mga tauhan nito sa paggamit ng salitang “Muslim” na aniya'y diskriminasyon laban sa Muslim community na kaniya ring kinabibilangan.

Umalma si Padilla matapos makita sa video footage kung paano tinukoy ng isa sa mga pulis ang mga hostage taker bilang “Muslim” sa naganap na hostage-taking incident sa loob ng Camp Crame.

Ang tinutukoy ni Padilla ay ang video sa social media na nagpapakitang tinukoy ng mga pulis na tumugon sa insidente ang mga hostage-takers bilang mga “Muslim.”

Nanawagan ang senador kay PNP Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr. upang turuan ang kaniyang mga tauhan sa paggamit ng terminong “Muslim.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ako ay nananawagan sa PNP na magkaroon ng edukasyon sa paggamit ng salitang Muslim. Discrimination po ito kapag binibigkas ng pulis na ito ang salitang Muslim. Maging parehas po tayo ng trato sa bawat Pilipino,” anang senador sa isang Facebook post, Linggo.

“Kapag may kidnapper o holdupper o pumatay ng tao hindi man ninyo sinasabi na Kristiyano ito,” dagdag niya.

Sinabi ng senador na hindi dapat gamitin ang salitang "Muslim" sa pagtukoy ng mga taong sangkot sa isang krimen o terorismo.

“Mainam po na identify niyo po hindi sila sa kanyang religion dahil walang kinalaman ang religion po dito. Ang batas ay hinubog sa sinuman ng hustisya at pinapatupad ito ng mga alagad ng batas. Kung ang alagad ng batas ay humusga ng bansag sa isang relihiyon para saan pa po ang babaeng nakapiring ang mga mata at may hawak na timbangan,” dagdag niyang pagpupunto.

Samantala, binanggit ni Padilla na ipinagdarasal ng mga Muslim ang paggaling ng pulis na nasugatan sa insidente, gayundin ang patuloy na kaligtasan ni De Lima.

“Ipinagpanalangin po ng mga Muslim ang kagyat na pagbuti ng kalagayan ng nasugatan na bayaning pulis at gayon din po ang katahimikan ng loob at patuloy na kaligtasan ng dating senador na si Leila de Lima,” aniya.

Hannah Torregoza