Nakatakda nang magharap ang television host at komedyanteng si Vhong Navarro at modelong si Deniece Cornejo sa nakatakdang arraignment ng una sa korte sa Taguig sa Oktubre 11.

Ito ay kaugnay ng kasong panggagahasa na isinampa ng modelo laban kay Navarro kamakailan.

Inaasahan ng hukuman na sisipot sina Navarro at Cornejo sa nasabing court proceedings kung saan babasahan ng demanda ang komedyante sa sala ni Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 69 Judge Loralie Datahan, sa Martes, dakong 1:30 ng hapon.

Ito ang unang pagkakataong maghaharap ang dalawa mula nang isampa ang kaso laban kay Navarro nitong Agosto 31.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Matatandaang sumuko si Navarro sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Setyembre 19 matapos ilabas ang warrant of arrest sa kasong Acts of Lascviousness. 

Matapos magpiyansa sa nasabing kaso, hindi na pinakawalan sa kustodiya ng NBI si Navarro matapos maglabas ng isa pang warrant ang hukuman sa kasong rape kung saan walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.

Sa reklamo ni Cornejo, ginahasa umano siya ng komedyante sa loob ng condo unit nito sa Bonifacio Global City noong Enero 17, 2014.