Inalala ni dating Senador Bam Aquino ang kanilang 'pagtindig' noong nakaraang taon.
"Isang taon na ang nakalipas. Isang taon na noong tumaya tayong lahat sa isang napakahalagang laban para sa ating bayan," paunang sabi ni Aquino sa kanyang Facebook post nitong Biyernes, Oktubre 7.
"Kung may nararamdaman ang puso ko ngayon, iyon ay pasasalamat. We created a movement, a moment. Hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin yung init ng apoy na sinimulan nating sindihan muli.
"Namutawi ang pagmamahal, pagkakaisa, at pag-asa sa sarili, kapwa, at bayan. Ibang klase eh - masaya at masarap sa pakiramdam! Lalona’t kasama mo ang mga mahal mo sa buhay na rason kung bakit ka tumitindig at lumalaban," paglalahad ng dating senador.
Hinimok niya ang mga taga suporta nila na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan dahil maraming kababayan daw ang nangangailangan ng suporta.
"Kaya ipagpatuloy natin ‘to. Tuloy lang. Marami tayong mga kababayan ang nangangailangan ng suporta at kalinga ng bawat isa. Patuloy ang mga problemang dinaranas ng bawat pamilyang Pilipino. Patuloy ang pagpapakalat ng fake news at pilit na pagbura sa kasaysayan. Marami pa tayong pagdadaanan bilang bayan, pero naipakita natin na kaya natin itong malagpasan - sama sama, kapit-bisig, tulong-tulong.
"Kaya tuloy ang pagmamahal. Tuloy ang pagkakaisa. Tuloy ang pag-asa. Tuloy ang bayanihan."
Matatandaang si Aquino ang nagsilbing campaign manager ni dating Vice President Leni Robredo para sa 2022 national elections.
Kaugnay na Balita: https://balita.net.ph/2022/10/08/chel-diokno-tuloyangbayanihan-para-sa-mahal-nating-bayan/" target="_blank">https://balita.net.ph/2022/10/08/chel-diokno-tuloyangbayanihan-para-sa-mahal-nating-bayan/