Nakaambang tumaas ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo matapos ang limang magkakasunod na linggong tapyas na presyo nito kamakailan.

Inihayag ni Atty. Rino Abad, director ng Oil Management Bureau ng Department of Energy (DOE), nasa ₱4 o higit pa ang posibleng itaas sa presyo ng diesel.

Hindi naman aabot ng ₱1 ang inaasahang idadagdag na presyo sa kada litro ng gasolina habang ang kerosene ay ₱2 o higit pa ang posibleng taas-presyo nito kada litro.

Gayunman, posible pa rin aniyang mabago ang sitwasyon at nakasalalay ito sa takbo ng kalakalan ngayong Biyernes.

Paliwanag ni Abad, bagamat sa susunod na buwan pa ipatutupad ng OPEC+ o ng Organization of the Petroleum Exporting Countries) ang bawas sa produksyon ay nakaaapekto na ito agad sa presyuhan ng krudo sa pandaigdigang merkado.