Tila sumang-ayon ang mga netizen sa mungkahi ni Saab Magalona, anak ng yumaong Pinoy rapper na si Francis Magalona, na kung magkakaroon man ng season 2 ang patok na "Drag Race Philippines", sana raw ay isama na sa panel ng permanent judges ang mahusay na drag queen at impersonator na si Jon Santos.
Si Jon Santos ay kilalang impersonator ng mga sikat na personalidad gaya nina dating Senadora Miriam Defensor Santiago, batikang broadcaster Korina Sanchez, dating ABS-CBN head at aktres na si Charo Santos-Concio, at Star For All Season Vilma Santos-Recto.
Sa mga lalaking personalidad, siya ang nag-iimpersonate sa yumaong dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ayon sa tweet ni Saab, masaya siya sa final four ng Drag Race PH season 1 na sina Eva Le Queen, Marina Summers, Precious Paula Nicole, at Xilhouete ang maglalaban-laban sa season finale na eere sa Oktubre 12, 2022.
Pero sana raw, isama na si Jon Santos sa mga susunod na permanenteng hurado. Nagsilbing guest hurado lamang kasi si Jon, subalit puring-puri siya ng mga netizen na sumusubaybay ng palabas.
"I love the queens happy ako kahit sino manalo basta permanent na si Jon Santos sa next season pls," ani Saab.
Ang permanenteng hurado ng season 1 ay sina Jiggly Caliente at Jervi Li o mas kilala bilang "KaladKaren Davila". Si Dabarkads Paolo Ballesteros naman ang host nito.