Lumobo na naman ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy sa bansa, ayon sa pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes.
Sa isinagawang virtual press briefing, ipinaliwanag ni PSA chief, National Statistician Claire Dennis Mapa, nasa 2.68 milyong indibidwal ang tambay nitong Agosto, bahagyang mataas kumpara sa 2.60 milyon na naitala nitong Hulyo batay na rin sa paunang resulta ng kanilang Labor Force Survey.
Gayunman, sinabi ni Mapa na mababa pa rin ang bilang ng walang trabaho nitong Agosto kumpara sa kaparehong panahon noong 2021 kung saan umabot sa 3.88 milyon ang tambay.
Naiulat din ng PSA na nasa 7.03 milyon ang underemployed (mayroong trabaho ngunit hindi sapat ang kinikita) nitong Agosto na mataas pa rin sa 6.54 na nitong Hulyo.
Aniya, ang pagtaas ng walang trabaho ay naitala sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.