Bagaman sinabi ng aktres na si Ivana Alawi na nakikipag-ugnayan na siya sa ilang tauhan ng META ukol sa pagkawala ng kaniyang Facebook page, hindi kumbinsido ang negosyanteng si Xian Gaza sa aniya’y pagda-drama lang nito sa social media.
Ito ang kasunod na litanya ni Xian Gaza sa isang Facebook post habang muling ipinuntong hindi benta sa kaniya ang naunang paliwanag ni Ivana kaugnay ng insidente ng pagkabura ng kaniyang verified page.
“Facebook won't delete verified pages with blue badge unless paulit-ulit kang nagka-copyright violation. Also, these content creators with multimillion followers like Ivana Alawi ay mayroong direct contact sa Facebook management. Napakadaling ayusin ng mga bagay-bagay with just a single call. Kung totoo man na dinisable ang page niya, they will fix everything privately,” saad ni Xian nitong Martes, Oktubre 4.
Muli rin nitong idiniin ang aktres sa umano’y pag-iwas lang nitong ma-audit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahilan para i-unpublished ang sariling page.
“No need for arti-arti. Wala namang magagawa ang BIR to audit Ivana Alawi's Facebook page kung unpublished na ito unless mag-file sila sa korte ng Estados Unidos na hindi nila gagawin dahil masyadong madugo ang proseso kontra Facebook Inc,” pagpapatuloy ni Xian.
Dagdag niya, tanging Facebook lang ang walang “option to hide” kumpara sa ilang malalaking social media website kabilang ang patok na TikTok, Instagram at YouTube kaya't naging opurtunidad ito para sa aktres.
“Either you publish the entire page or you unpublish once and for all tapos ibalik mo na lang kapag hindi na mainit sayo ang BIR,” anang negosyante.
Tinatayang milyun-milyong tax ang bahagi ng kita ng bigtime YouTubers sa bansa na tinatayang nasa 45% ang average tax percentage.
Sa pag-uulat, wala pa ring tugon si Ivana ukol sa mga paratang ni Xian.