Nagbigay ng opisyal na pahayag ang dating Executive Secretary ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na si Atty. Vic Rodriguez, hinggil sa kaniyang pagbibitiw sa kaniyang tungkulin.
Ayon sa kaniyang opisyal na pahayag ngayong Miyerkules, Oktubre 5, pinili na niyang kumpirmahin ang mga balitang tuluyan na siyang hindi konektado sa administrasyong Marcos, o "complete exited".
Matatandaang matapos ang kaniyang pagbibitiw bilang executive secretary, ay maninilbihan naman daw siya bilang presidential chief of staff, bagay na hindi na matutuloy, ayon sa pumalit sa kaniyang si Executive Secretary Lucas Bersamin.
Naging mahaba raw ang pag-uusap nina Rodriguez at Marcos tungkol sa pasyang ito, at masaya naman daw ang naging daloy ng kumbersasyon nilang dalawa. Ang dahilan umano ng kaniyang pagbibitiw ay upang mabigyan ng sapat na oras ang kaniyang pamilya.
Kahit marami umano siyang natatanggap na paghuhusga at kritisismo sa kaniyang ginawa, tanggap umano niya ang mga ganitong senaryo. Ang mahalaga aniya ay malinis ang konsensya niya.
"I have been ridiculed, maligned and subjected to baseless and unfair commentaries on all conceivable platforms, but I take solace in the legal aphorism, ‘Men in public life may suffer under a hostile or unjust accusation; the wound can be assuaged with the balm of a clear conscience’," aniya pa.
"It has been an honor to have served the country. Ako po ay magpapatuloy maglingkod bilang pribadong mamamayan sa abot ng aking munting kakayanan. Atin pong suportahan si Pangulong Bongbong Marcos at ang ating bansang Pilipinas!" bilin pa ni Rodriguez.